ni Niño Aclan
HINIMOK ni Senadora Grace Poe ang Department of Transportation (DOTr) na ihinto muna ang pagpapatupad ng programang Public Utility Vehicle – Modernization Plan (PUVMP) matapos sumingaw ang anomalya sa Land Transportation Franchise and Regulatory Board (LTFRB).
Sinabi ito ni Poe, matapos ibunyag ni LTFRB chairman Teofilo Guadiz III, dating head executive assistant, may nagaganap na ‘lagayan’ o ‘suhulan’ para makakuha ng prankisa para sa PUVs at iba pang transaksiyon.
“Hindi na nga makausad nang maayos ang PUV [modernization program] dahil sa iba’t ibang isyu, nabahiran pa ng korupsiyon,” ani Poe, chairperson ng Senate committee on public services.
Inilinaw ni Poe, hindi siya tutol sa modernisasyon bagkus ay suportado ito, lalo na’t indikasyon ito ng progreso para sa isang bansa, pero dahil sa sumabog na anomalya, mas mainamumano na itgil muna ito.
Naniniwala si Poe, hindi dapat palampasin at balewalain ang naturang isyu lalo na’t ito ay mayroong kinalaman sa korupsiyon.
“Kung totoo ang alegasyon, hindi ito makatarungan sa mga driver na nawalan ng kabuhayan dahil pinaboran ang mga nanuhol,” dagdag ni Poe.
Binigyang-diin ni Poe, kung totoo man ang akusasyon ay dapat panagutin ang mapapatunayang nagkasala at sangkot sa isyu ng korupsiyon lalo na’t nakaaapekto ito sa sektor ng transportasyon.
“Umaasa tayo na habang iniimbestigahan ang mga sangkot, inaayos din ang modernization program na magpapabuti sa kabuhayan ng mga driver at magbibigay ng maayos na serbisyo sa mga commuter,” giit ni Poe.