KABUUANG 285 golfers, kabilang ang mahigit 100 professional golfers mula sa Professional Golfers Association of the Philippines (PGAP), ang sasabak sa 1st Pasay Mayor “Emi” Cup Pro-Am golf championship na papalo simula sa Huwebes hanggang Biyernes (21-22 Setyembre) sa Villamor Golf Course sa Pasay City.
Ibinida ng bagong halal na PGAP president Johnnel Bulawit na kabuuang P1 milyon ang papremyo na inilaan para sa apat na kategorya – touring pro, teaching pro, seniors at super seniors – para sa kauna-unahang torneo ng asosasyon matapos ang mahabang taong pananahimik.
Kabilang sa mga prominenteng pangalan sa industriya na nagparehistro ng paglahok ay sina dating Asian Games campaigner Jonnel Ababa, Tony Lascuna gayondin ang senior players na matagal nang nakaligtaan sa komunidad.
“Nagpapasalamat kami sa mga sponsors, sa tiwala ni Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano, gayondin sa Eduardo Duay Calixto Foundation Inc., sa pangunguna ni Pasay City First Gentleman Edgardo “Ka Egay” Rubiano at nabigyan ng pagkakataon ang ating mga pro golfers na mahabang taong naapektohan ng pandemya,” sambit ni Bulawit sa ginanap na media conference nitong Martes sa Shakey’s Malate.
Ang dalawang araw na torneo ay isang fund-raising event na ang mga benepisaryo ay mga estudyante, senior citizens at mga residente ng Pasay City, gayndin ang iba pang nasa ilalim ng programa ng Calixto Foundation.
“Kami po sa lungsod ng Pasay at sa Calixto Foundation ay natutuwang nakasama namin ang PGAP para maisulong ang programang makatutulong hindi lamang sa ating mga pro at senior golfers, higit sa mga kapos-palad nating kababayan na sinusuportahan ng Calixto Foundation,” sambit ni Ka Egay na dumalo rin sa naturang programa kasama ang anak at EDCFI Board member Luigi Rubiano, PGAP Executive Secretary Elisa Villalba, tournament director Luis Paraiso, at coordinator Darren Evangelista.
“Buong puso po ang pasasalamat namin sa mga tumulong na sponsors. ‘Yung iba pa na gustong humabol, bukas pa po ang pintuan, kahit last-minute ‘yan puwedeng puwede pa,” pabirong pahayag ni Luigi Rubiano.
Magsisimula ang shotgun tee off ganap na 6:00 am, habang ang second batch para sa first round ng torneo ay isasagawa ganap na 12:00 nn.
“Inaanyayahan po natin ang lahat na makiisa at sumali sa ating torneo, ‘yung mga amateur players may pagkakataon pa po kayong sumali dito sa ating torneo na may puso, dahil hindi lamang ang golfing community ang natulungan natin pati na rin ang ating mga kapos-palad na kababayan,” pahayag ni Villalba. (HATAW Sports)