INILUNSAD kamakailan ang QCinema Project Market ng Quezon City Film Development Commission na siyang tutugon para mabigyan ang mga filmmaker mula sa Pilipinas at Southeast Asian countries ng mas maraming oportunidad.
Layunin ng project market na makatulong sa mga filmmaker na makakuha ng funding, mapalawig ang kanilang network, at makapag-develop ng kanilang skills.
Umaabot sa P15-M na funding ang inilaan ng Quezon City para sa mga mapipiling filmmakers.
Ani Liza Diño-Seguerra, Executive Editor ng Quezon City Film Development Commission, “Malaki ang potensiyal ng mga filmmaker sa ating rehiyon at kaya nilang makipag-sabayan sa mga filmmaker sa ibang bansa.
Makatutulong ang QPM na maitanghal ang kanilang pelikula sa iba’t ibang panig ng mundo.”
Ang mga Filipino at Southeast Asian filmmakers na may proyektong nasimulan na ay inaanyayahang sumali. Kailangan lamang na sila ay nakagawa na ng kahit isang short o feature film.
At para makalahok, kailangang magsumite ng full script ng isang feature-length fiction film kasama ng kanilang application form. Kailangan ding magpasa ng logline, synopsis, director’s statement, production schedule, treatment, financial plan, production cost, at profiles of the director, producer, at production company. Maaari ring ibigay ang sample reels ng director.
Sa September 15, 2023 ang deadline sa pagsusumite.
Labinlimang entries ang papalaring makasali sa film market na gagawin mula November 18 hanggang 20, 2023, kasabay ng QCinema International Film Festival.
“Ang QPM ay naglalayon ding gawin ang QCinema na global hub ng Southeast Asian cinema,” giit pa ni Dino-Seguerra.