HATAW News Team
KASUNOD ng pagkilala ng Commission on Elections (Comelec) sa 10 EMBO barangays bilang bahagi na ng Taguig, umapela ang komisyon at ang local government unit (LGU) ng kooperasyon mula sa Makati City.
Matatandaan, sa pagbubukas ng Brigada Eskwela ay nagkaroon ng tensiyon sa EMBO schools na bibisitahin ni Taguig City Mayor Lani Cayetano at mga volunteers nang harangan ang daan patungo sa mga paaralan at nagpaskil ng malalaking banner na nagsasabing pagmamay-ari ng Makati City ang school buildings.
Nangyari ang tensiyon sa kabila ng malinaw na memorandum order na ipinalabas ng Department of Education (DepEd) na nag-aatas sa mga school principal na ilipat na ang management at personnel ng 14 EMBO schools sa Taguig.
Tiniyak ng Comelec, walang uusbong na tensiyon sa kanilang gagawing turnover at sa araw ng mismong eleksyon dahil mayroon silang nakalatag na procedural steps na susundin ng iba’t ibang departamento.
Sinabi ni Comelec Chairman George Garcia, ang paghahain ng certificate of candidacy (COC) ay gagawin sa Taguig Convention Hall simula 28 Agosto hanggang 2 September habang ang mga botante mula sa 10 EMBO barangays ay hindi na kailangang maparehistro muli para sa October Barangay at Sanggunian Kabataan Election (BSKE) elections.
Ayon kay Garcia, kanilang hihingin sa Makati na magamit ang mga paaralan para maging polling stations.
“If Makati City disallows the use of schools in the EMBOs as polling stations for the BKSE, the law department was directed to devise a way to legally deputize Makati,” paliwanag ni Garcia.
Aatasan ang Office of the Election Officer ng Makati at Taguig na maghanda ng bagong listahan ng mga presinto at bagong listahan ng qualified electoral boards.
Sa panig ng Taguig, nagpasalamat ang LGU sa Comelec sa naging tamang aksiyon nito sa kautusan ng Korte Suprema.
“The Honorable Commission’s move to fully implement the Supreme Court’s final and executory decision in the territorial dispute is highly commendable, and stands as a testament to its commitment to upholding justice and ensuring peaceful and orderly elections,” pahayag ng Taguig.
Hinimok ng Taguig LGU ang mga opisyal ng Makati sa pangunguna ni Mayor Abby Binay na magpamalas ng “spirit of cooperation” at pagrespeto sa kautusan ng kataastaasang hukuman.
“Let us work together for the community in assuring a seamless transition for our Barangay and SK officials. Embracing this outcome with unity, open communication, honesty, and truthfulness will undoubtedly contribute to the betterment of all residents involved,” giit ng Taguig.
Sinabi ng lokal na pamahalaan ng Taguig, dapat manguna ang iba’t ibang government agencies para sa turnover para hindi magdulot ng anomang tensiyon.
“We again ask all government agencies to help ease the tension among our people by complying without delay with the Supreme Court’s decision. Our residents in the EMBO barangays need and deserve that help,” pagtatapos sa pahayag.