‘DISKRIMINASYON’ at disrespeto sa paniniwala sa pamamagitan ng paghahain ng karne ng baboy ang sinabing naging mitsa ng pamamaril na ikinamatay ng isang pulis sa Taguig City kamakailan.
Ito, at iba pang kagayang insidente ang nais imbestigahan ni Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla, matapos igiit ng isang Muslim na pulis na nagkaroon na ng ibang insidente ng diskriminasyon bago ang pamamaril.
Sa Senate Resolution 743, isinulong ni Padilla na gawin ng Senate Committee on Cultural Communities and Muslim Affairs ang inquiry in aid of legislation sa kalagayan ng Muslim community, “in light of the numerous acts and practices that disadvantage and undermine their religious beliefs, particularly in the observance of their dietary principles.”
“Given the recurring unfortunate incidents prejudicial to the Muslim community and their basic necessity for human survival, that is sustenance through food in line with their dietary principles, it is imperative for the Senate to thoroughly evaluate and formulate effective measures to address and mitigate these occurrences,” aniya.
Ani Padilla, namatay ang isang pulis at nasugatan ang isa pa sa pamamaril noong 7 Agosto, matapos ang alitan sa isang Muslim police officer. Sinabing ang naging ugat ng pamamaril ay paghahain ng ulam na pork sa himpilan ng pulisya.
Dagdag ni Padilla, sinulatan siya ng Muslim police officer na nagsabing bago ang insidente, may “previous instances of discrimination and mockery” laban sa kanya, kasama ang paghahain ng “pork” na hindi ipinaalam sa kanya.
Bukod dito, nais imbestigahan ni Padilla ang ibang insidente na maaaring lumabag sa Islamic dietary laws, kasama ang:
Pagsisiyasat ng Department of Science and Technology (DOST) CALABARZON sa 51 produkto ng isang processed food brand na may “Halal” logo pero may halong pork, at ang Halal certifier ng kompanya ay hindi accredited ng National Commission on Muslim Filipinos (NCMF);
Ang pagtuklas ng Commission on Audit report for 2021 na ang caterer ng Bureau of Corrections (BuCor) ay naghain ng pork sa mga Muslim at Seventh-Day Adventists inmates, labag sa Food Subsistence Agreement na ang pagkaing ibibigay sa mga inmates ay alinsunod sa kanilang pananampalataya;
Ang tangkang hostage-taking kay dating Sen. Leila de Lima sa PNP Custodial Center noong 9 Oktubre 2022, na inireklamo ng isang Muslim inmate na pork ang ihinain sa kanya.
Napansin din ni Padilla na may panawagan sa pamahalaan ng General Santos City para magkaroon ng dedicated area para sa Halal na pagkain sa central market nito, matapos matuklasan umano na may mga vendor na naglagay ng dugo ng baboy sa isda para magmukha itong sariwa.
“Muslim Filipinos, constituting a minority within the Philippines, encounter unique challenges in the exercise of their religious beliefs, particularly when it comes to fulfilling their basic dietary needs,” ani Padilla. (NIÑO ACLAN)