HATAW News Team
WALANG nakikitang problema ang mga school principal ng 14 Enlisted Men’s Barrio (EMBO) schools na ngayon ay nasa hurisdiksiyon ng Taguig City sa pagbubukas ng 2023-2024 school year sa 29 Agosto kasunod ng maayos na paglulunsad ng Brigada Eskuwela na nakiisa ang mga estudyante, guro, mga magulang, alumni at iba pang external stakeholders.
Ayon kina Makati Science High School Principal Dr. Felix Bunagan at West Rembo Elementary School Principal Alma Adona, naging matagumpay ang paglulunsad ng Brigada Eskuwela sa kanilang paaralan sa tulong na rin ni Taguig City Mayor Lani Cayetano.
Nagpaabot ng pasasalamat ang dalawang school principal kay Mayor Lani at sa Taguig volunteers sa naging suporta sa Brigada Eskwela na sinimulan noong 14 Agosto at magtatapos sa 19 Agosto.
“The event brought together students, parents, and volunteers for a week-long cleaning campaign that strived to unite the entire Makati Science community in maintaining the school premises. Amid unexpected transitions within the school, adaptability emerged as a key factor for success. Despite the myriad of challenges volunteers and organizers alike encountered, the school community’s unwavering commitment to higher education continues to remain steadfast. There are concerns, but we are still an educational institution, and that comes first,” nakasaad sa Official Facebook page ng Makati Science High School.
Naging mainit din ang pagtanggap ng Comembo Elementary School, Rizal Elementary School, Pembo Elementary School, Benigno “Ninoy” S. Aquino High School, Tibagan High School, Fort Bonifacio Elementary School, Fort Bonifacio High School, Pitogo Elementary School, Pitogo High School, Cembo Elementary School, East Rembo Elementary School, West Rembo Elementary School at South Cembo Elementary School kay Mayor Lani at sa mga volunteer ng Taguig.
Sa Tibagan High School ay nag-viral ang video na nagpapakita ng mainit na pagtaggap ng mga estudyante kay Mayor Lani na sinabayan pa ng mga estudyante ng cheer na “Lani! Lani!”
Sinabi ni Taguig-Pateros Schools Superintendent Dr. Cynthia Ayles, ang lahat ng 14 school officials ay may maayos na koordinasyon sa Taguig LGU noon pang buwan ng Hulyo kaya walang dapat ipangamba sa pagbubukas ng klase dahil makaaasa na magiging maayos ito kasabay ng pakiusap na maging bukas ang isipan ng lahat sa transition na pinal nang ipinag-utos ng Korte Suprema upang maiwasan ang tensiyon at kalituhan.
Inilinaw ng mga school principal na hangad din ng mga magulang ang maayos na transition patungo sa Taguig LGU, sa katunayan sa isinagawang General Parents Teachers Association Dialogue ay nakita ng mga magulang ang intensiyon ng Taguig LGU na maibigay ang maayos na serbisyo at benepisyo kaya lubos ang kanilang pakikiisa sa inilunsad na Brigada Eskwela.
Napawi umano ang alalahanin ng mga magulang nang igarantiya ni Mayor Lani sa kanyang talumpati sa pagbubukas ng Brigada Eskuwela ang dekalidad na serbisyo at tulong sa pag aaral ng may 30,000 estudyante ng 14 EMBO schools na inihahanda na ang paunang school kits at toiletries para sa mga estudyante.
“Ang mga programa na nakita naming mahusay na naipatupad sa Taguig ay buong-buong makukuha ng EMBO residents na ngayon ay Taguig residents. Just trust the transition, trust the school leadership and my leadership in Taguig, bigyan lang po natin ng tsansa,” nauna nang pahayag ni Mayor Lani.
Sa Taguig City, hindi lamang libreng school supplies, uniforms, at sapatos ang inilalaan sa mga estudyante kundi maging scholarships para sa lahat, mayroon itong ibinibigay na scholarship na P15,000 hanggang P110,000 para sa mga kumukuha ng vocational, 2-year o 4- year courses; kumukuha ng master’s at doctorate degrees at maging mga nagrerebyu sa board at bar exams.
Aminado ang Taguig LGU na hindi pa naibibigay ang school uniform at school supplies bunsod na rin ng delay sa panig ng Makati City na mai-turnover ang listahan ng mga student-beneficiaries.
Bukod sa listahan ng mga EMBO students ay humihingi rin ang Taguig LGU kay Mayor Abby Binay ng listahan ng mga Senior Citizens at Persons with disabilities (PWDs) upang masimulan na ang pagbibigay ng door to door birthday cash gifts; listahan ng mga residente na may asthma, hypertension, at diabetes para sa house to house delivery ng kanilang maintenance medicines; listahan ng mga residente na bedridden upang personal na mabisita ng health personnel para kanilang home care, at listahan ng taxpayers para makakuha ng lower tax rates; listahan ng mga kalsada sa EMBO upang ang mga motorista ay makakuha ng No Number Coding policy gaya sa Taguig.