Upang paigtingin ang adhikaing pangalagaan ang kalikasan at kalusugan ng mga mamayan para sa susunod na henerasyon, nagtayo kamakailan ang SM group ng isang rainwater harvesting system sa Brgy. Irawan Birthing Facility sa Puerto Princesa City, Palawan.
Sa pangunguna ng SM Foundation, ang nasabing water system ay kayang mag-imbak ng higit kumulang na 800 litro ng tubig. Ito ay maaaring gamiting pandilig sa mga halaman, panglinis ng mga sahig at banyo, at iba pang mga non–potable na pangangailangan ng pasilidad.
Upang paigtingin ang konserbasyon at tamang pangangasiwa ng tubig sa komunidad at suportahan ang SM Green Movement, ang tubig ulan mula sa bubong at alulod ay daraan sa iba’t ibang layers ng vinyl-coated mesh filters upang masigurado ang kalidad ng tubig.
Para masiguro ang sustainable use ng nasabing pasilidad, hindi ito nangangailangan ng kuryente upang gumana at may mga tubong direktang konektado sa ilang gripo sa paligid ng birthing facility. Ang mga nasabing gripo ay may visible markings upang lalong gabayan ang mga gagamit ng recycled na tubig.