IGINIIT ni Senate Public Services Committee chair, Senator Grace Poe sa Bureau of Internal Revenue (BIR) at sa Philippine Amusement and Gaming Corp. (PAGCOR) na habulin ang iniwang utang sa buwis ng isang POGO firm na bigla na lang nagsara at naglahong parang bula noong kasagsagan ng pandemya.
Binigyang-diin ni Poe, dapat kumilos ang BIR sa pakikipagtulungan sa PAGCOR para makolekta ang P2.2 bilyong unpaid dues ng naturang POGO .
Nanindigan si Poe na kung ang naturang POGO ay isang lehitimong kompanya ay mas lalong dapat na may paraan ang mga regulators na ito ay matunton at piliting magbayad sa kanilang iniwang obligasyon sa bansa.
Ayon kay Poe, hindi lang nagdadala ng gulo kundi nagnanakaw pa sa kaban ng bayan ang mga POGO.
Aniya, “may ilang nagtatanggol sa financial benefits na dala ng POGO kaya dapat manatili ito sa bansa gayong mayroon palang napakalaking P2.2 bilyong utang na buwis na dapat bayaran.
Umaasa ang mambabatas na dulot ng mga gulo, krimen at utang na iniiwan ng POGO sa bansa ay makapagdedesisyon na ang Marcos administration tungkol dito.
Sinabi ni Poe, kung hindi lang din magagawa ng pamahalaan na mapasunod ang mga POGO sa batas at regulasyon ng bansa ay dapat nang umalis ang mga ito sa bansa. (NIÑO ACLAN)