NAGPAABOT ng tulong pinansiyal ang FPJ Panday Bayanihan Foundation nitong Sabado, 12 Agosto, sa pamilya ng 27 kataong nasawi sa paglubog ng M/B Aya Express noong nakaraang buwan.
Ang non-profit organization na pinamumunuan ni Brian Poe-Llamanzares ay nagbigay ng P5,000 cash aid para sa mga naulilang pamilya ng mga pasaherong namatay sa paglubog ng bangka sa Laguna Lake, sa bahagi ng Binangonan, Rizal noong 27 Hulyo.
Personal na nagtungo si Poe -Llamanzares sa kamag-anak ng dalawa sa mga nasawi sa kanilang tahanan sa Barangay Pila-Pila sa Binangonan.
“Labis kaming nakikidalamhati. We know, and we humbly admit it, that this is not enough. Hindi nito matutumbasan ang mga buhay na nawala,” sabi ng anak at chief-of-staff ni Sen. Grace Poe. Katuwang ng FPJ Panday Bayanihan Foundation ang tanggapan ni Senador Grace Poe sa pagbibigay ng tulong sa mga biktima ng trahedya.
Noong 8 Agosto, pinangunahan ni Poe, chair ng Senate committee on public services, ang pagdinig sa paglubog ng M/B Aya Express para usisain ang isyu ng kaligtasan sa operation at maintenance ng bangka. Nalaman din ng mga senador na walang lisensiya para mag-operate ng bangka ang kapitan ng M/B Aya Express.
Dumalo sa pagdinig ang ilan sa mga nakaligtas at mga kamag-anak ng mga nasawi sa trahedya.
“In a country composed of thousands of islands, the Philippines should have the highest safety standards in water transportation,” pahayag ni Poe sa pagdinig.
Ang FPJ Panday Bayanihan Foundation, na ipinangalan sa yumaong aktor Fernando Poe, Jr., at kanyang movie series na “Ang Panday” ay isang non-government organization na naglalayong paigtingin ang spirit of civic unity at community service sa mga Filipino sa pamamagitan ng pagpapaabot ng tulong sa mahihirap at sa mga nawalan ng tirahan dahil sa sakuna.
Itinatag ang foundation noong 2013 matapos manalasa ang bagyong “Maring” sa Filipinas at nakaapekto sa 2.5 milyong katao. (NIÑO ACLAN)