KITANG-KITA ang pagkagulat ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., sa kanyang super ate na si Senadora Imee Marcos sa pagsalubong sa kanya sa kongreso para dumalo sa ikalawang State of the Nation Address (SONA).
Halos hindi agad nakilala ni Marcos ang kanyang ‘super ate’ sa kasuotang Cordillera.
Ayon kay Senadora Marcos, bilang isang Lagunawa o Anak ng Kalinga mas pinili niya ang kanyang naturang kasuutan bilang pagpupugay sa makulay na kultura ng mga katribu.
Tinukoy ni Marcos, ang kanyang suot ay personal na ibinigay sa kanya ng mga Igorot matapos niyang dalawin at suportahan ang kanilang Gulay Revolution.
Binigyang-linaw ni Marcos, maging ang kanyang mga tattoo sa katawan ay mayroong kahulugan partikular ang araw at buwan na sumisimbolo sa kanyang walang sawang pagseserbisyo at dedikasyon sa pagtulong sa mga tao.
Samantala, ang tattoo na tuko sa kanyang braso ay sumisimbolo ng patuloy na pagbabago ng bawat isa at pagkakaroon ng imortal na paninindigan at kahalagahan sa lipunan.
Bukod kay Senadora Imee, sumalubong din sa Pangulo sina Senate President Juan Miguel Zubiri, Senate Majority Leader Joel Villanueva, Senadora Grace Poe, at Cynthia Villar. (NIÑO ACLAN)