Bilang bahagi ng komemorasyon ng Earth Day, nagsagawa ang Bulacan Environment and Natural Resources Office (BENRO) kasama a ng Provincial Environment and Natural Resources Office (PENRO) at iba pang mga kinatawan mula sa Bulacan Police Provincial Office (BPPO) at Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ng waterway clean-up activity sa Brgy. Ubihan, Lungsod ng Meycauayan, Bulacan nitong nakaraang Biyernes.
Nakipag-ugnayan rin ang BENRO sa iba pang mga ahensiya kabilang na ang BPPO, National Bureau of Investigation (NBI), Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), kasundaluhan at lahat ng mgamunicipal at city environment and natural resources offices hinggil sa pagsasagawa ng Simultaneous Environmental Protection Operations (SEPO) ng DENR sa buong lalawigan.
Kasabay nito ay pinaalalahanan ni Gobernador Daniel R. Fernando ang BENRO na unahin at protektahan ang kapaligiran, kaya naman regular nang isasagawa sa lalawigan ang SEPO upang makamit ang ‘Mabiyayang Kalikasan at Malinis na Kapaligiran’ na kabilang sa People’s 10 Point Agenda.
“Hindi kayang protektahan ng kalikasan ang sarili nito. Dapat gawin ng mga tao, sa pangunguna ng gobyerno ang positibong aksyon upang protektahan ang kalikasan,” anang gobernador.
Bukod dito, kasama rin sa programa ng SEPO ang mga aktibidad sa pagpreserba ng kalikasan tulad ng paglilinis ng mga daluyan ng tubig, pagtatanim at pagpaparami ng mga puno,mineral hauling checking, quarry site inspection, pagbisita sa mga establisyimento, at iba pang kaugnay na mga aktibidad.(Micka Bautista)