MALAKI ang potensyal ng BiFin swimming na makapag-uwi ng medalya mula sa 32nd Southeast Asian Games sa susunod na buwan sa Cambodia.
Ayon kay men’s team coach Ramil Ilustre sa kabila ng maiksing panahon ng pagsasanay para sa pagsabak ng koponan sa biennial meet, impresibo ang ipinapakitang talent ng eight-man BiFin swimming team sa kanilang pagsasanay.
“Very impressive, yung mga time nila sa ensayo ay mas mabilis pa sa personal best time nila sa classic swimming. Despite, the fact na nabuo lang sila last February, talagang pursige ang mga bata sa training dalawang beses sa isang araw,” ayon kay Ilustre.
“Hindi naman sila masyadong nahirapan sa adjustment kasi sa ensayo naman nila sa classic swimming eh halos pareho naman dahil sa ginagamit nilang fin. Dito sa BiFin mas mabigat yung equipment,” ayon kay Ilustre sa Tabloids Organization in Philippine Sports, Inc. (TOPS) ‘Usapang Sports’ nitong Huwebes sa PSC Conference Room sa Malate, Manila.
Iginiit ni Anthony Reyes, tumatayong team manager, na naging masinsin ang kanilang ginawan tryouts katuwang ang Congress of Philippine Aquatic, Inc. (COPA) para mapili angg walong atleta na isasabak sa SEA Games.
“Right after mapirmahan ang MOA between COPA and Fin swimming association, nagconduct agad kami ng tryouts sa Visayas at Mindanao then sa Manila. Yung apat na may pinakamabilis na time sa men’s and women’s yung ang kinuha namin for Philippine Team,” sambit ni Reyes sa programa na itinataguyod ng Philippine Sports Commmission at Behrouz Persian Cuisine.
Pinasalamatan ni Reyes ang Philippine Sports Commission (PSC) sa pamumuno ni Chairman Richard Bachmann sa mabilis na pagtugon upang mabigyan kaagad ng access ang mga atleta na makapagsanay sa PSC swimming pool gayundin ang karampatang allowances and accommodation para sa atleta at coaches.
Malaking tulong din aniya, ang suporta ni COPA president at Batangas 1st District Congressman Eric Buhain para matugunan ang iba pang pangangailangan ng mga atleta sa kanilang pagsasanay para sa Cambodia meet.
“Malaki ang potensyal natin na makap-guwi tayo ng medal,” pahayag ni women’s team coach Caezar Agot Alcantara.
Upang higit na mabigyan ng pansin ang BiFin, sinabi ni Reyes na nagdesisyon ang COPA na isama sa programa ng mga torneo ang BiFin swimming simula sa gaganaping 3rs at 4th leg ng Golden Goggles sa Abril 29-30 sa Teofilo Ildefonso swimming pool sa Rizal Memorial Sports Complex.