DUMARANAS ngayon ng trauma ang mahigit 54 mag-aaral sa Pag-asa Integrated School sa Pag-asa Island dahil sa nakikitang naglalakihan at tila pandigmang barko ng mga Intsik na nakahimpil sa West Philippine Sea.
Kinompirma ito ni Realyn Limbo, ang teacher in-charge sa naturang paaralan, at aniya’y nagtitiyaga silang magklase sa pagitan ng mga kurtina para dahil sa kawalan ng silid aralan.
Bukod dito inamin ni Leonardo Cuaresma, leader ng Scarborough Shoal Fisherman na aabot sa P390,000 ang nalugi o nawala sa mga mangingisda dahil sa pagkasira ng natural habitat sa karagatan sa Pag-asa island.
Ang pahayag ng dalawa ay kanilang ginawa sa isang press briefing ng National Youth Movement for the West Philippines Sea (NYMWPS).
Ayon kina Limbo at Cuaresma, halos nasisira na ang paligid ng Isla at yamang tubig dito dahil sa patuloy na isinasagawang illegal fishing ng mga Chinese vessel.
Dagdag nina Limbo at Cuaresma, bukod sa illegal fishing, may iba pang aktibidad na ginagawa ang mga sasakyang pandagat ng mga Chinese, lubhang nakaaapekto rin sa kapaligiran.
Aminado sina Limbo at Cuaresma, dahil sa ganitong sistema ay nagkukulang na rin ang suplay ng pagkain sa Isla at napipilitan silang mamili ng ibang pangangailangang pagkain sa Puerto Princesa o bayan para matiyak na hindi sila magutom.
Dahil dito, nananawagan sila sa pamahalaan para sa agarang aksiyon upang ang mga sasakyang pandagat ng mga Chinese ay mawala na sa naturang lugar.
Naniniwala si Limbo, nangangamba ang mga mag-aaaral na ang nasbaing isla ay tila nasakop na ng bansang China dahil sa kanilang mga sasakyang pandigma.
Iginiit nila sa pamahalaan na dapat ipaglaban ang karapatan ng mga Filipino sa West Philippine Sea lalo na’t ito’y dokumentadong pag-aari ng Filipinas at para na rin sa mga susunod na henerasyon.
Nanawagan din ang grupo sa pamahalaan sa pamamagitan ni dating Undersecretary Eduardo Mañalac na kunin ng gobyerno ang pamamahala sa Malampaya nang sa ganoon ay pakinabangan ng bansa at ng bawat mamamayan ang kinikita rito.
Naniniwala si Mañalac, batay sa kanyang pag-aaral, walang sapat na kakayahan ang grupo ni Dennis Uy, unang nakabili ng shares, ganoon din ang kasalukuyang nagmamay-ari na si Enrique Razon Jr., sa operasyon ng Malampaya. (NIÑO ACLAN)