HINILING ng gobernador ng lalawigan ng Northern Samar sa provincial board na imbestigahan ang pagkaantala ng pagbibigay ng hazard pay para sa mga medical workers at financial assistance sa mga iskolar.
Ayon kay Gov. Edwin Ongchuan, nalaman niyang nasa 200 medical personnel, nakatalaga sa kanilang lalawigan ang hindi nakatatanggap ng kanilang hazard pay simula noong Oktubre ng nakaraang taon.
Nagkakahalaga ang hazard pay mula P1,893 hanggang P5,679, depende sa salary grade ng mga empleyado.
Bukod dito, hindi bababa sa 10,000 benepisaryo ng programang “Iskolar ng Probinsya” ang hindi pa rin nakatatanggap ng financial assistance na nagkakahalaga ng P5,000 bawat iskolar.
Ayon kay Vice Gov. Clarence Dato at Board Member Don Abalon, nararapat na agad maibigay ang hazard pay na naayon sa batas.
Noong Martes, 14 Pebrero, inimbitahan ni Dato si Amalia Espinar, provincial accountant, upang ipaliwanag ang dahilan ng pagkaantala.
Paliwanag ni Espinar, naantala ang pagbibigay ng hazard pay dahil tinutukoy pa nila kung sino sa mga medical personnel ang nararapat bigyan nito.
Aniya, may mga nagsabing hindi lahat ng medical personnel ay dapat makatanggap ng hazard pay dahil hindi sila lantad sa panganib na kaakibat ng kanilang trabaho.
Sa ilalim ng circular na inilabas ng Department of Health (DOH) at ng Department of Budget and Management (DBM), nakadepende ang halaga ng hazard pay sa antas ng pagkalantad ng mga empleyado sa panganib.
Dagdag ni Espinar, inaantala niya ang paglalabas ng hazard pay dahil baka kuwestiyonin ito ng non-medical personnel na kalipikadong makatanggap nito.
Kinontra ito ni Dr. Ninfa Kam, provincial health officer, at sinabing nararapat makatanggap ng hazard pay lahat ng health workers, medikal man o administratibo.
Aniya, lahat sila ay nakalantad sa iba’t ibang antas ng panganib.
Samantala, sa paglalabas ng tulong pinansiyal para sa mga iskolar ng lalawigan, sinabi ni Espinar, dahil ito sa malaking bilang ng mga benepisaryo na pumupunta sa kanilang tanggapan bawat araw. ###