DAPAT gawing madali ang pagpaparehistro ng kanilang subscriber identity module (SIM) habang sinisigurong pribado ang kanilang datos at impormasyon, pagdidiin ni Sen. Grace Poe sa simula ng implementasyon ng batas sa rehistrasyon ng SIM sa 27 Disyembre.
“Tulad ng pagpapadala ng mensahe sa text, dapat maging madali ang pagpaparehistro ng SIM,” ani Poe.
Nanawagan ang senador sa mga telco at ahensiya ng gobyerno na tiyaking magiging maayos ang implementasyon ng SIM Registration Act o Republic Act 11934.
“Hindi dapat komplikado ang mga proseso, paraan at portal para sa pagrerehistro ng SIM,” ani Poe, sponsor ng nasabing batas.
Dapat aniyang tulungang makapagrehistro ng SIM ang mga may kapansanan, senior citizens, menor de edad, buntis at ang mga walang internet connection.
Nanawagan si Poe ng maigting at malawak na information drive para maabot at makapagrehistro ang mga mamamayan sa buong bansa at matiyak na hindi makokompromiso ang kanilang mga datos.
Ipinasa ang SIM Registration Act upang labanan ang lumalalang mga text scam na nambiktima at nagpapahirap sa milyon-milyong mga Pilipino.
Minamandato ng batas ang pagpaparehistro ng SIM sa loob ng 180 araw mula sa pagiging epektibo ng implementing rules and regulations (IRR) nito.
Para sa kasalukuyan nang subscriber, inaatasan ang telco na isama ang naunang ibinigay na datos nito sa SIM register na kailangan na lamang kompirmahin ng subscriber sa platform ng telco.
Pananagutin sa ilalim ng batas ang anumang panlilinlang sa pagbibigay ng impormasyon, paglabag, at kapabayaan.
“Matatamasa natin ang buong potensiyal at benepisyo ng batas kung akma at epektibo itong maipapatupad at sama-sama tayong magtutulungan bilang isang bayan,” dagdag ni Poe.
Ang SIM Registration Act ay ang unang batas na nilagdaan ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr., Ito ay suportado ng mayorya ng mamamayang Filipino, ayon sa nakaraang Social Weather Station survey. (NIÑO ACLAN)