SA GITNA ng biglaang dagsa ng mga mamimili bago sumapit ang Pasko, sinabi ni Senador Win Gatchalian na sa ganitong panahon ay hindi dapat naaabuso ang karapatan ng mga mamimili, bagkus dapat ay nabibigyan pa nga ng proteksiyon.
Kaugnay nito, sinabi ng senador na nais niyang maamyendahan ang Consumer Act of the Philippines (Republic Act No. 7394) upang palakasin ang karapatan ng mga mamimili at pahusayin ang mga hakbang na idinisenyo upang protektahan sila. Inihain niya ang Senate Bill 942 o Enhanced Consumer Act.
“Mahalagang bigyan ng kapangyarihan ang mga konsumer kaugnay sa pamimili para sa kanilang sarili at sa kanilang mga mahal sa buhay dahil kaakibat nito ang pagbibigay ng kapangyarihan sa mga negosyante na mapalago ang kanilang mga negosyo,” sabi ni Gatchalian.
Ani Gatchalian, kailangang magkaroon ng English o Filipino translation sa label ng mga produkto na nakasulat sa foreign characters o wikang banyaga bukod sa English bago payagang makapasok sa bansa.
Ito ay magbibigay-daan sa mga awtoridad na matukoy kung ang mga produkto ay sumusunod sa labeling requirements upang mabigyan ang mga mamimili ng wastong gabay sa mga produktong binibili nila.
Ang panukalang batas ay naglalayong palawigin ang awtoridad na ipasara ang mga establisimiyento na mahuhuli sa aktong nagbebenta ng mga substandard at mapanganib na mga produkto.
Hangad din ng panukalang batas na palawakin ang regulasyon sa proteksiyon ng mga mamimili laban sa anomang marketing promotions na nakapipinsala sa kalayaan ng karaniwang mamimili sa pagpili ng mga produkto at serbisyo.
“Ang panukalang batas ay naglalayong palakasin ang karapatan ng konsumer sa bansa at lalo ang maayos na pamantayan ng kalakalan para sa buong ekonomiya,” ani Gatchalian.
Ang naturang panukala ay nagpapatibay ng mga patakaran na magsasaalang-alang sa walong pangunahing karapatan ng mga mamimili tulad ng karapatan sa pangunahing pangangailangan, karapatang pumili, karapatan sa representasyon, karapatang tumubos, karapatan sa edukasyon ng mamimili, karapatan sa kaligtasan, karapatan sa isang malusog na kapaligiran, at karapatan sa impormasyon.
Nakasaad din sa panukalang batas ang mga responsibilidad ng mga mamimili kabilang dito ang aksiyon nila na tiyakin ang kanilang mga karapatan ay protektado at hindi napagsasamantalahan. (NIÑO ACLAN)