RATED R
ni Rommel Gonzales
IKADALAWAMPUNG anibersaryo ng Magpakailanman ngayong 2022 at buong buwan ng Nobyembre ang kanilang month-long celebration.
Sa Sabado ay ipalalabas ang part 2 ng Listen To My Heart: The Maegan Aguilar Story na tampok si Sanya Lopez bilang si Maegan na anak ng music icon na si Freddie Aguilar.
Kasama rito ni Sanya sina Neil Ryan Sese bilang Freddie Aguilar, Dion Ignacio as Oliver, Jason Abalos as Xander, Jon Lucas as Lyndon, JM San Jose as Zion, Noreah Casaljay as Alyssa, Choline Bautista as Mafi, at Shyr Valdez bilang ina ni Maegan.
Ito ay sa direksiyon ni Neal del Rosario.
Sa dami ng mga naipalabas na tunay na kuwento ng buhay sa Magpakailanman o #MPK, ano kaya ang istorya na tumatak sa host na si Mel Tiangco?
“Sa dinami-dami ng genre na itinatampok namin sa ‘Magpakailanman,’ alam niyo naman ‘yan, iba’t ibang story ng buhay talaga ang mapapanood niyo, gusto ko ‘yung genre na nakatutulong sa kapwa.
“Gusto ko ‘yung hindi ka lang na-entertain, hindi ka lang nasiyahan sa istorya, pero nakapaghandog kami sa iyo ng, realization, maybe a sense of inspiration, iyong mayroon kaming ganoon, na naiwan sa iyo, na naiwan sa puso mo, naiwan sa kaisipan mo.
“Na once in a while, na babalikan mo ‘yung, ‘Ah hindi, napanood ko ‘yan sa ‘Magpakailanman,’ ganoon ‘yun eh, ganyan ‘yun, eh.’
“‘Di ba? Hindi ‘yung klase na nanood ka, mamaya wala na, tapos na, nanood ka.
“‘Yung ganoon, ‘no? Gusto ko ‘yung mga istoryang mayroong dala-dalang ganoon.
“In short gusto ko ‘yung naa-uplift ‘yung tao, gusto ko ‘yung talagang mayroon silang matututunan, mayroon silang dadalhin para sa sarili nila,” sabi sa amin ni Tita Mel.