HINDI bababa sa 700 pamilya ang nawalan ng masisilungan nang sumiklab ang malaking sunog sa isang coastal community sa Sitio Paradise, Brgy. Looc, sa lungsod ng Mandaue, lalawigan ng Cebu, nitong Martes ng gabi, 22 Nobyembre.
Umabot sa pang-apat na alarma ang sunog na umabo sa 250 kabahayan na tinatayang P1-milyon ang halaga ng pinsala sa mga ari-arian.
Ayon kay SFO1 Danny Zamoras, nasugatan ang isang bombero at dalawang residente ng Sitio Paradise ang may paso sa kanilang mga katawan.
Nakaranas si FO1 Freyje Pono ng first degree burns sa kanyang balikat, at second degree burns sa kanyang braso ang residenteng si Reynaldo Devilleres, habang napaltos rin ang likod ng isa pang residenteng si Alejandro Cerina.
Naiulat ang sunog dakong 11:46 pm kamakalawa, idineklarang kontrolado dakong 2:12 am nitong Miyerkoles, 23 Nobyembre, at tuluyang naapula dakong 2:38 am.
Pahayag ni Mandaue Mayor Jonas Cortes, pansamantalang tumutuloy ang mga apektadong residente sa mga itinayong modular tents sa covered court ng Mandaue City Central School.
Nagpadala rin ang lokal na pamahalaan ng mobile kitchen sa lugar upang magluto ng pagkain, at namahagi ng mga disaster kits at food packs sa mga biktima ng sunog.