ISINUSULONG ni Senator Raffy Tulfo ang karagdagang budget para sa National Children’s Hospital (NCH), upang higit makatulong sa mga bata na nagmula sa pinakamahihirap na pamilya.
Sa kasalukuyan, ang nasabing ospital ay hindi umano nakatatanggap ng sapat na suporta mula sa gobyerno.
Sa kanyang privilege speech noong Lunes, 21 Nobyembre, ibinunyag ng senador ang nakapanlulumong sitwasyon sa ospital, tulad ng kakulangan sa manpower, below industry standard facilities, at luma o kulang na kagamitan.
Hinimok niya ang Department of Health (DOH), Department of Budget and Management (DBM) at ang kanyang mga kapwa Senador na personal na bisitahin ang ospital upang masaksihan ang kalagayan nito.
“Mr. President, the National Children’s Hospital, a health facility for the poorest and weakest, is in dire need of our help. Kung paano naghihingalo ang mga pasyente roon, gayon din ang paghihingalo ng pasilidad at sitwasyon ng National Children’s Hospital,” ani Tulfo.
“I invite you to visit this hospital para makita ninyo kung gaano kalunus-lunos ang kalagayan ng mga pasyente roon. Nang makausap ko sila, wala raw pong bumibisita sa kanilang mga opisyal ng gobyerno. There’s something wrong in the way they are treated and how the government handles them. They are not getting the help they must receive,” dagdag niya.
Sa paghingi ng karagdagang budget para sa NCH, sinabi ni Tulfo, maaaring kumuha mula sa mga ‘underperforming agencies’ ng gobyerno.
Sa kanyang pagbisita kamakailan sa nasabing ospital, ibinahagi ni Tulfo na nakita niya sa mukha ng mga bata at kanilang mga magulang ang paghihirap at kalungkutan habang nakapila sa masikip, at mainit na pasilyo ng ospital na nagpadagdag lamang sa kanilang paghihirap.
Isang 6-anyos batang lalaki, may stage 4 liver cancer ang nahihirapang huminga kahit mayroong oxygen tank na tumutulong sa kanya.
Ang privilege speech si Tulfo ay kasabay ng pagdiriwang ng National Children’s Month ngayong Nobyembre. (NIÑO ACLAN)