TATLO katao ang binawian ng buhay habang nasugatan ang 11 iba pa sa banggaan ng isang SUV, trailer truck, at pampasaherong bus sa Brgy. Balubad, bayan ng Atimonan, lalawigan ng Quezon nitong Lunes ng gabi, 24 Oktubre.
Kinilala ng Atimonan MPS ang mga namatay na sina Gener Pablo, Melandro Bocito, kapwa mula sa Oas, Albay; at Chona Pablo mula sa Daet, Camarines Norte.
Sakay ang tatlong biktima ng SUV na minamaneho ni Jovelito Amar, 58 anyos, sugatan din kasama ang dalawa pang pasaherong sina Noel Viernes, 50 anyos, pastor at residente sa Bulan, Sorsogon; at Jeneth Amar, 55 anyos, guro.
Kabilang sa sugatan sina Rosel Diez, 44 anyos, bus driver mula sa National Road Balagtas sa lungsod ng Batangas; at Eva Bayaro, 47 anyos, accounting assistant mula sa Vitas, Tondo, Maynila.
Pawang mga pasahero ng bus ang anim na iba pang sugatan na nakalabas na ng pagamutan.
Agad namatay sina Gener Pablo at Bocito sa pinangyarihan samantala binawian ng buhay si Chona habang ginagamot sa ospital.
Ayon sa ulat ng pulisya, naganap ang insidente dakong 10:40 pm kamakalawa nang isang bus ng ALPS, may plakang NGJ 4046 patungong Gumaca ang lumipat sa kabilang linya matapos madulas ang gulong nito sa basang bahagi ng highway.
Dahil ditto, nabangga ng bus ang paparating na SUV na sumalpok sa nakaparadang trailer truck sa kaliwang shoulder ng highway.
Minamaneho ang trailer truck ng isang Jeofrey Carido, Jr., 37 anyos, residente sa Brgy. Salay Echague, Isabela.
Patuloy na inoobserbahan si Diez sa ospital at nakatakdang ilipat sa ibang pagamutan sa Lucena kasama ang police escort habang inihahanda ang mga kaukulang papeles para sa pagsasampa ng reklamong kriminal laban sa kanya.