HALOS dalawang dekada na ang HATAW D’yaryo ng Bayan sa sirkulasyon ng mga pahayagan.
May pagmamalaki sa isip pero may lungkot sa puso dahil sa susunod na buwan ay isang taon na rin kaming inulila ng Ama ng HATAW — si Sir Jerry Sia Yap.
Hindi siya kasama sa mga biktima ng pandemyang dulot ng CoVid-19. Patraidor siyang sinikil ng sakit na kanser. Pero hindi gaya sa isang lipunang nabubulok na hinahayaang lamunin ng kanser ang bawat himaymay ng kanyang kabuuan, mas pinili ni JSY na harapin nang patas ang laban.
Nagdesisyon siya, pero ipinaubaya sa Dakilang Manlilikha ang pinal na desisyon. Ganoon katatag si JSY nang harapin niya ang prosesong pangkalusugan na kanyang susuungin.
Naniniwala ang HATAW, nang magpasya si JSY na sumailalim sa nasabing proseso ay handa siya. Handa siya dahil alam niyang mayroon siyang iiwanang legacy o legado.
Kahapon, 19 anyos na ang HATAW — at alam nating lahat na tuwing babanggitin ang HATAW, ang laging sasagi sa ating isip ay si JSY at ang kanyang kolum na Bulabugin.
At sa bahagi ng mga naulila ni JSY, ang HATAW ay hindi lamang limbag na papel at tinta o isang pahayagang onlayn — ang HATAW ang kanyang buhay na alaala.
Sa pamamagitan ng pahayagang HATAW, si JSY ay nananatiling nakalimbag hindi lamang sa website o mga papel at tinta, kundi maging sa puso at isipan ng bawat taong naging bahagi ng kanyang buhay.
Isang makabuluhang anibersaryo sa lahat.