NAGBUWIS ng buhay ang tatlo katao, habang sugatan ang 34 iba pang pasahero nang sumalpok sa isa’t isa ang pampasaherong bus at oil tanker sa Roman Highway, bayan ng Abucay, lalawigan ng Bataan, madaling araw ng Miyerkoles, 12 Oktubre.
Kinilala ni P/Maj. Dennis Duran, hepe ng Abucay MPS, ang mga biktimang namatay na sina Walter Buenaventura, 50 anyos, driver ng Bataan Transit; Reynaldo Monte, 49 anyos, driver ng oil tanker; at isang hindi pa kilalang pasahero ng tanker.
Ayon sa pulisya, bumibiyahe ang bus na may sakay na 40 pasahero mula Balanga patungong Maynila nang sumalpok sa kasalubong na oil tanker sa Brgy. Laon, sa naturang bayaan dakong 2:30 am kahapon.
Ani Duran, sinakop ng oil tanker ang inner fast lane ng kabilang linya at bigong mapansin ang paparating na bus naging sanhi ng pagsalpok ng dalawang sasakyan sa isa’t isa.
Ayon kay P/SMSgt. Alex Buenaventura, imbestigador ng Abucay MPS, isinugod sa iba’t ibang pagamutan ang mga sugatang pasahero ng bus, kabilang ang konduktor, at isa pang pahinante ng oil tanker habang dead-on-the spot ang mga driver ng dalawang nagkabanggaang sasakyan.
Salaysay ng isa sa mga pasahero ng bus na si Raymond Pariñas, 34 anyos, ng Limay, Bataan, gumagamit siya ng kaniyang cellphone nang sumubsob at tumama sa hawakan ang kanyang ulo.
Dagdag niya, lahat silang 15 magkakagrupo, patungong Maynila ay pawang mga nasaktan at nasugatan.
Patuloy na nag-iimbestiga ang pulisya kaugnay sa insidente.