PATAY ang isang 56-anyos high school principal nang barilin ng hinihinalang mga magnanakaw sa loob ng kanyang bahay sa Brgy. Napo, bayan ng Polangui, lalawigan ng Albay, nitong madaling araw ng Miyerkoles, 12 Oktubre.
Kinilala ni P/Lt. Col. Maria Luisa Calubaquib, tagapagsalita ng PRO- PNP, ang biktimang si Beverly Ubante Cabaltera, 56 anyos, residente sa Napoville Subdivision, Brgy. Napo, sa nabanggit na bayan, at punong guro sa Pio Duran National High School sa bayan ng Pio Duran.
Ayon sa pulisya, nakarinig ang mga kaanak ni Cabaltera ng putok ng baril na sinundan ng malakas na kalabog mula sa silid ng biktima dakong 3:00 am kahapon.
Agad pinuntahan ng kanyang anak ang biktima kung saan niya nakitang wala nang malay ang kanyang ina na nakahandusay sa sahig sa tabi ng kama malapit sa bintana.
Tumawag ang anak ng biktima sa 911 upang humingi ng tulong sa pulisya na agad nagresponde sa pinangyarihan ng krimen.
Nagawang madala si Cabaltera sa pagamutan ngunit idineklarang dead on arrival.
Pinaniniwalaang nakita ng biktma na inakyat ng mga suspek ang veranda ng bahay kaya nila binaril si Cabaltera.
Narekober mula sa pinangyarihan ng krimen ang isang basyo ng bala ng hindi pa natutukoy na kalibre ng baril.
Ani Calubaquib, nagtipon ng mga salaysay ang pulisya mula sa mga kapitbahay pati ang mga kuha ng CCTV sa lugar na makatutulong upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek.