DINALA sa pagamutan ang hindi bababa sa 25 indibiduwal, kabilang ang apat na menor de edad, nitong Lunes, 10 Oktubre, matapos malason sanhi ng red tide sa bayan ng Milagros, lalawigan ng Masbate.
Ayon kay Dr. Allen Concepcion, manggagamot ng rural health center ng Milagros, 10 residente mula sa liblib na barangay ng Bangad ang dinala sa kanila habang 12 iba pa ang dinala sa Masbate Provincial Hospital dakong 7:00 pm kamakalawa.
Ani Concepcion, nakaranas ang mga residente ng pagsusuka at pananakit ng tiyan ilang oras matapos kumain ng ‘baliad’ dakong 3:00 pm.
Dagdag niya, kalimitang isda at shellfish ang kinakain ng mga residente dahil kulang ang supply ng baboy at manok sa pamilihan. Kinakain nila ang baliad sa meryenda o ginagawang pulutan.
Nito lang Sabado, 8 Oktubre, ginamot ang tatlong pasyente sa health center dahil sa pagkakalason sanhi ng pagkain ng baliad na kontaminado ng red tide.
Nasa ligtas nang kalagyaan ang mga pasyente ngunit patuloy na inoobserbahan ng mga doktor.
Ayon kay Nonie Enolva, tagapagsalita ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) Bicol, lumabas sa naunang ulat ng Provincial Fisheries Office, nakukuha ang baliad sa mga coastal areas ng mga barangay ng Magsalangi at Calasuche, sa naturang bayan.
Aniya, nangolekta na ang ahensiya ng laman ng baliad mula sa lugar para sa pagsusuri.
Noong 6 Oktubre, nagbabala ang BFAR Bicol sa publiko laban sa pangunguha, pagtitinda, at pagkain ng nasabing shellfish sa mga coastal area ng Milagros matapos magpositibo sa paralytic shellfish toxin ang mga nakolektang sample.