Friday , November 15 2024

Pagpaslang sa veteran broadcast journalist kinondena ng mundo

100522 Hataw Frontpage

MATAPOS manawagan sa publiko ang National Union of Journalists in the Philippines (NUJP) na sumama sa pagkondena sa pagpaslang sa ikalawang mamamahayag sa ilalim ng administrasyong Marcos-Duterte, bumuhos ang simpatiya at pakikiisa hindi lamang ng mga kapwa Filipino kundi pati ang mga dayuhang embahada na nasa bansa.

               Unang nagpahayag ng mariing pagkondena ang NUJP sa pagpaslang sa broadcast journalist na si Percival Mabasa, sinundan ito ng iba pang mga organisasyon at media outlet, mga personalidad kabilang ang mga mambabatas, at mga dayuhang embahada ng France, Denmark, United Kingdom, at Canada.

               Ayon sa NUJP, ang pagpaslang kay Mabasa (Lapid) ay nagpapakita na nanatiling ang pamamahayag ang pinakamapanganib na propesyon sa Filipinas.

Ang insidente ng pamamaslang kay Mabasa (Lapid) bilang isang mamamahayag na naganap sa Metro Manila ay indikasyon kung gaano kapangahas ang mga salarin habang ang mga awtoridad ay bigong protektahan ang mga mamamahayag ganoon din ang mga ordinaryong mamamayan laban sa panganib.

               “The killing shows that journalism remains a dangerous profession in the country. That the incident took place in Metro Manila indicates how brazen the perpetrators were, and how authorities have failed to protect journalists as well as ordinary citizens from harm,” pahayag ng NUJP na ipinaskil sa kanilang social media page.

Si Mabasa (Lapid), host ng “Lapid Fire” sa DWBL 1242, ay matapang na kritiko ng Duterte administration ganoon din ng ibang personalidad at mga polisiya ng Marcos administration.

               Isa sa pinakahuling tinalakay ni Mabasa (Lapid) sa kanyang YouTube channel ang panganib ng red-tagging, partikular ang pinakahuling harassment kay Manila Judge Marlo Magdoza-Malagar.

               Pinupuna rin ni Mabasa (Lapid) ang panganib sa seguridad ng bansa na dala ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) at ang historical distortion ng Martial Law.

Sinabi ng NUJP, si Mabasa (Lapid) ang ikalawang mamamahayag na pinatay sa ilalim ng Marcos Jr. administration. Una ang radio broadcaster na si Rey Blanco na sinaksak sa Mabinay, Negros Oriental nitong nakaraang 18 Setyembre 2022.

Inihayag ng NUJP ang kanilang pakikiramay sa pamilya ni Percy Lapid, ganoon din sa kanyang kapatid na isang beteranong mamamahayag na si Roy Mabasa.

               “We call on the public to join us in condemning yet another murder of a journalist. We call on the Philippine National Police to hold the perpetrators accountable,” pahayag ng NUJP.

MEDIA FREEDOM COALITION SINUPORTAHAN NG CANADA, UK, DENMARK, AT FRANCE VS BROADCAST JOURNALIST SLAYING

SA KANILANG twitter account, inihayag ng Canadian Embassy sa Filipinas ang kanilang matinding malasakit sa pagpaslang sa broadcast journalist na si Percival Mabasa, a.k.a.Percy Lapid ng hindi kilalang mga suspek ng nakaraang gabi. 

               Anila, ang pagpaslang sa isang mamamahayag ay may hagupit sa sentro ng malayang pamamahayag at maaaring lumikha ng panlalamig na makaaapekto sakakayahan ng mga mamamahayag na mag-ulat nang ligtas at Malaya. 

“We express our grave concern about the killing of broadcast commentator Mr. Percival Mabasa (a.k.a Percy Lapid) by unidentified assailants last night. We extend our deepest sympathies to his family & loved ones. Journalist killings strike at the very core of media freedom & can create a chilling effect that curtails the ability of journalists to report news freely & safely,” pahayag ng Canadian Embassy sa kanilang twitter.

               Anila, ang kagayang pag-atake sa media workers ay kailangan ng agarang imbestigasyon at ang mga may gawa o repsonsable ay dapat panagutin.

               Hinikayat ng Embahada ang mga awtoridad sa bansa na imbestigahan ang pagpaslang kay Mabasa, at magsagawa ng konkretong hakbang hindi lamang para bitbitin sa hustisya ang mga may kagagawan, kundi lumikha rin ng ligtas na kapaligiran para sa mga mamamahayag upang gampanan ang kanilang trabaho at tungkulin nang hindi natatakot para sa kanilang buhay at kaligtasan.

“Such attacks on media workers must be urgently investigated, and those responsible must be held to account. As co-chairs of the @MediaFreedomC, we welcome the swift action of law enforcement agencies to investigate Mr. Mabasa’s death, and urge Philippine authorities to take concrete steps to ensure not only that the perpetrators are brought to justice, but to create a safe environment for journalists to carry out their work without fear for their lives and safety,” ddin sa kanilang twitter ng Canadian embassy.

               Ang pahayag ng Canadian embassy ay sinuportahan ng tatlong embahada — ang United Kingdom, Denmark, at France.

“@ukinphilippines fully supports the statement of the Media Freedom Coalition. We urge the Filipino authorities to ensure that the perpetrators of the killing of Percival Mabasa are brought to justice and to create a safe environment for all journalists in the Philippines,” pahayag ng UK Embassy sa twitter.

               Ganito rin ang paninindigan ng Danish Embassy sa kanilang twitter: “The Danish Embassy supports the statement by @CanEmbPH and @NLinPhilippines, co-chairs of the @MediaFreedomC, on the killing of broadcast commentator & journalist, Percival Mabasa (#PercyLapid).”

               Habang ang France ay sinabing, “The Embassy of France in the Philippines expresses its solidarity with the family of Mr. Mabasa. It supports the declaration by the Media Freedom Coalition co-chairs. France reaffirms its resolute, unwavering commitment to the freedom of the press, freedom of speech and protection of journalists.”

INDIGNATION RALLY LABAN SA KARAHASAN AT PARA SA KATARUNGAN

PINANGUNAHAN ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) ang indignation rally sa Boy Scout Monument sa Quezon City na kumokondena sa pagpasalang kay Percival Mabasa, kilala bilang Percy Lapid.

Lumahok ang mga miyembro ng mga progresibong grupo, media organizations, at press freedom advocates sa isinagawang indignation program at pag-iilaw ng kandila bilang panawagan ng katarungan sa pinaslang na beteranong broadcast journalist nitong Lunes ng gabi, 3 Oktubre sa Las Piñas City.

Si Mabasa (Lapid) ay kilalang kritiko ng mga pang-aabuso sa karapatang pantao sa ilalim ng Duterte administration, red-tagging, at mga isyu ng korupsiyon.

Gamit ang hashtag na #JusticeForPercyMabasa,

#DefendPressFreedom, at #NoToRedTagging, sabay-sabay na nag-ilaw ng kandila ang mga lumahok sa indignation rally.

PAGPASLANG KAY PERCY LAPID KINONDENA NG 2 SOLONS

MARIING kinondena nina Senadora Risa Hontiveros at Senador Robinhood “Robin” Padilla ang pagpaslang kay sa hard-hitting commentator at columnist na si Percival Mabasa, a.k.a. Percy Lapid, kamakalawa ng gabi sa lungsod ng Las Piñas.

Ayon kina Hontiveros at Padilla, maituturing na pagyurak sa malayang pamamahayag ang pagpaslang kay Mabasa (Lapid).

Nagpaabot ng pakikiramay sina Hontiveros at Padilla sa pamilya at mga naiwang mahal sa buhay ng broadcast journalist.

Hangad nina Hontiveros at Padilla ang hustisya para sa biktimang si Mabasa (Lapid) at sa kanyang pamilya.

Ayon kay Padilla, walang puwang sa lipunan ang mga karumal-dumal na krimen maging nasa media, sibilyan o unipormado man.

Ipinaalala ni Hontiveros sa media na siya ay palagiang nakasuporta at nakaalalay sa at bukas sa pagdamay.

Tiniyak ni Hontiveros, ang pagkamatay ni Mabasa (Lapid) ay hindi magiging dahilan upang sila ay manahimik para sa katotohanan. (NIÑO ACLAN)

Pagpaslang sa beteranong broadcast journalist ‘di pinalampas ng Partylist

MARIING kinondena ng Kabataan Partylist ang pagpaslang kay Percival Mabasa, o mas kilala bilang Percy Lapid, isa sa mga brodkaster na masugid na kritiko ng administrasyong Marcos-Duterte, sa Las Piñas City kagabi.

Ayon sa kanyang manugang, binubuntutan si Percy Lapid habang papunta sa kanyang bahay para mag-online broadcasting, pero bago pa man nakapasok sa kanilang village ay pinagbabaril na siya ng dalawang hindi pa natutukoy na mga lalaking nakasakay sa motorsiklo.

Maaalalang huling paksang tinalakay ni Lapid sa kanyang broadcast ang panibagong bugso ng panre-redtag ni dating NTF-ELCAC spokesperson Lorraine Badoy.

Bagama’t walang makitang motibo ayon sa PNP,  kombinsido ang pamilya ni Mabasa (Lapid) na malaki ang kinalaman ng pagiging kritiko niya sa administrasyon.

Sa katunayan, pangalawa na si Lapid sa pinatay na mediaman sa ilalim ng administrasyong Marcos-Duterte.

Pinagsasaksak ang pumanaw na beteranong radio broadcaster na si Rey Blanco ng Power 102.1 DYRY RFM Mabinay Radio Station sa Negros Oriental noong 16 Setyembre.

“Hindi pa man lumalagpas ang ika-100 araw ni Marcos sa poder, dalawang mamamahayag na ang naging biktima ng pamamaslang sa ilalim ng administrasyong Marcos-Duterte,” pahayag ng Kabataan Partylist.

Anila, “patunay lamang sa ilalim ng kanilang panunungkulan, ipagpapatuloy at patitindihin ang Kill, kill, kill legacy ni Rodrigo Duterte at ang walang habas na panunupil sa kalayaan sa pagpapahayag ng hinaing at pag-oorganisa ng mga mamamayan magmula pa noong panahon ni Marcos Sr.”

Taos-pusong nakikiramay ang Kabataan Partylist sa mga kamag-anak at mahal sa buhay na naiwan ni Lapid.

“Tatanganan ng mga kabataang Filipino ang pagpapanawagan ng hustisya para sa kanya at sa lahat ng pinaslang ng mga nagdaan at kasalukuyang rehimen,” dagdag na pahayag ng partylist. (GERRY BALDO)

Alok ni Atty. Alex Lopez
P1-M PABUYA VS KILLER NG BROADCAST JOURNALIST

NAG-ALOK ng P1 milyong pabuya si Atty. Alex Lopez sa makapagbibigay ng impormasyon at makapagtuturo sa pumaslang sa broadcast journalist na si Percival  Mabasa, a.k.a. Percy Lapid para sa mabilisang pagdakip sa mga kriminal at pagresolba ng kaso.

Kasunod ng pag-aalok ng pabuya ay mariing kinondena ni Lopez ang pagpaslang kay Mabasa (Lapid).

Ayon kay Lopez hindi dapat kailanman binubuwag ang malayang pamamahayag at pagpapatahimik sa boses ng katotohanan.

Si Mabasa ay hinangaan ng kanyang mga tagapakinig dahil sa kanyang pagtalakas sa mga iregularidad at katiwalian sa pamahalaan at kinilala bilang isang matapang na kolumnista at radio commentator.

Nanawagan at umaasa si Lopez na gagawin lahat ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) upang madakip ang mga salarin at maituro ang utak ng krimen.

Iginiit ni Lopez, panahon na upang putulin ang walang habas na pagpatay sa mga miyembro ng media.

Tulad ni Mabasa (Lapid), sa kanyang mga programa ay naghahanap si Lopez ng katotohanan at hustisya para sa maayos na pamahalaang lokal man o nasyonal na dapat maranasan ng bawat mamamayan. (NIÑO ACLAN)

About hataw tabloid

Check Also

Black

Iwasan, mga kaalyado ni Duterte sa eleksiyon

ISANG grupo ng mapagmalasakit na Filipino ang umaapela sa mga botante na pumili ng kandidatong …

Scam fraud Money

Nagpanggap na kaniyang pamangkin, Babae sa Tarlac tiklo sa online love scam

NADAKIP ng mga awtoridad ang isang babaeng kinilalang si alyas “Tita” matapos magpanggap na kaniyang …

Dead Rape

Paglipas ng tatlong lingo
DALAGANG NAWALA SA KASAGSAGAN NG BAGYONG KRISTINE NATAGPUANG BANGKAY

NATAGPUAN ang katawan ng isang 18-anyos estudyante na napabalitang nawala sa kasagsagan ng pananalasa ng …

Sa Gintong Kabataan Awards NATATANGING KABATAANG BULAKENYO PARARANGALAN

Sa Gintong Kabataan Awards
NATATANGING KABATAANG BULAKENYO PARARANGALAN

NAKATAKDANG maganap ang pinakahihintay na Araw ng Parangal ng taunang Gintong Kabataan Awards (GKA) ng …

Motorcycle Hand

3 motorsiklo bigong masikwat, armadong kawatan timbog

ARESTADO ang isang lalaking pinaniniwalaang responsable sa sunod-sunod na pagnanakaw ng motorsiklo matapos muling magtangkang …