DUDULOG sa Office the President (OP) ang isang oil importer kaugnay sa hinalang pagbasura ng isang opisyal ng Department of Energy (DOE) sa kanilang aplikasyon kahit kompleto sa mga rekesitos ng pag-i- import ng diesel mula sa middle east.
Batay sa reklamo ni Ms. Zasa Aliman, ang Vice President ng Stone Hope Company, kompleto na sila ng requirements na hinihingi ng DOE pero magtatatlong buwan na aniya silang hindi pa rin binibigyan ng go signal para ituloy ang proseso ng pag-import ng langis.
Desmayado si Aliman sa tila pagbasura ng kanilang aplikasyon, kahit lahat ng legal guidelines at mga requirement mula sa Bureau of Internal Revenue (BIR), Department of Trade and Industry (DTI) at iba pang hinihinging requirements ay nakapag-comply na sila.
Adbokasiya aniya ng kompanya na makatulong sa mga motorista dahil sa sobrang taas ng presyo ng langis sa bansa sa kalbaryo ngayong dinaranas ng mga transport group at pribadong sasakyan.
Ani Aliman, kapag nakarating sa bansa ang kanilang iaangkat na diesel malaki ang ibaba ng presyo nito sa merkado partikular sa small players.
Wala pang pahayag ang DOE ukol sa reklamo ng naturang kompanya. (HNT)