TINIYAK ni Police Regional Office 4A Regional Director, P/BGen. Jose Melencion Nartatez, Jr., na agad maibalik ang katahimikan at kaayusan sa Masungi Georeserve sa Tanay, Rizal na ginulo kamakailan ng mga guwardiya matapos kubkobin ang ilang bahagi ng lugar.
Ang pagtitiyak ay inihayag ng heneral matapos ang ginawang mabilis na pagresponde ng kanyang mga tauhan sa lugar upang payapain ang gulo o pagkubkob ng mga tauhan ng Sinagtala Security Agency sa bahagi ng conservation area sa Km 48 ng Marikina-Infanta Highway sa Tanay, Rizal.
Ayon kay Acting Regional Director ng Police Regional Office 4A, P/BGen. Nartatez, Jr., agad pinuntahan ng kanyang mga tauhan ang lugar at nang maabutan ang guwardiya ay kanilang pinagkokompiska ang mga baril na aabot sa 15 piraso.
Kinompiska ng Regional Civil Security Unit 4A, mula sa mga security guard ang 12 shotguns at tatlong cal. 38 pistols mula sa Security Agency na matatagpuan sa Sitio Pinagtarangkahan, Cuyumbay, Tanay, Rizal, matapos mabigong magpakita ng lisensiya ng kanilang mga armas.
“Pro 4A will restore the sense of normalcy in Masungi Georeserve,” ayon kay Nartatez, Jr.
Isinagawa ang operasyon alinsunod sa direktiba ni ARD Nartatez matapos mapaulat na kinubkob at binarikadahan ang lupaing sakop ng kanilang protection area sa nasabing lalawigan.
Una nang sinabi ni Anne Dumaliang, ng National Geographic Explorer and trustee, Masungi Georeserve Foundation, nito lamang 18 Setyembre nang simulang postehan ng grupo na nagpakilalang mula sa Sinagtala Agency ang bahagi ng conservation area sa Km 48 ng Marikina-Infanta Highway.
Lubos ang pasasalamat ng Masungi sa agarang aksiyon ng PRO 4A pero nais din nila aniyang ipa-demolish na rin ang itinayong mga barikada at paalisin ang mga kalalakihan na nagdudulot ng tensiyon sa lugar.
“Kung hahayaan natin silang sakupin ang lugar, isa iyong malaking kawalan sa Masungi wildlife sanctuary at sa bansa. Ang lugar ay bahagi ng Masungi conservation area, Kaliwa watershed protected area, at titulado sa Republika ng Pilipinas simula pa noong 1950s,” pahayag ni Dumaliang.
Nag-aalala umano ang Masungi na posibleng ibenta sa isang third party o pribadong indibidwal ang conservation area na alinsunod sa National Integrated Protected Areas System Act 1992, mahigpit na ipinagbabawal ang pagpasok o pagtatayo ng anomang estruktura sa conservation site na deklarado ng pamahalaan.
“Kung ano ang magiging aksiyon ng gobyerno rito ay magiging takda kung gaano tayo kaseryoso sa pagtatanggol ng yamang-likas ng Filipinas,” dagdag ng managing trustee ng Masungi. (ALMAR DANGUILAN)