Tuesday , December 24 2024
Students school

Kaligtasan, learning recovery ng mga estudyante kailangan

SA PAGBUBUKAS ng School Year 2022-2023, hinimok ni Senador Win Gatchalian ang pamahalaan na tiyakin ang kaligtasan ng mga mag-aaral at magpatupad ng mga hakbang tungo sa tinatawag na learning recovery.

Ang pagbisita ni Gatchalian sa Marulas Central Elementary School at Valenzuela National High School sa Valenzuela City sa unang araw ng face-to-face classes ay upang suriin ang kahandaan ng mga paaralan, mga guro, at mga mag-aaral sa gitna ng nananatiling banta ng CoVid-19.

Ayon kay Gatchalian,  Chairman ng Committee on Basic Education, ang pagpapalawig sa CoVid-19 vaccination coverage sa mga mag-aaral ay nananatiling isa sa mga pinakamahalagang hakbang upang maiwasang kumalat ang sakit sa mga paaralan.

Malaking hamon, ani Gatchalian, ang pagbabakuna sa mga mag-aaral na may edad 5-11 anyos.

Batay sa pinakahuling datos mula sa Department of Health (DOH) National Vaccination Operations Center ngayong Agosto, wala pang tatlumpong (26.94) porsiyento ng mga kabataang may edad 5-11 anyos ang fully vaccinated laban sa CoVid-19.

Samantala, higit sa 76.41 porsiyento ng mga mag-aaral, may edad 12-17 anyos ang fully vaccinated na laban sa CoVid-19.

“Humanap tayo ng mga bagong paraan, makipagtulungan tayo sa DOH at mga lokal na pamahalaan, tingnan natin kung makapagpapalagay tayo ng mga vaccination site sa mga paaralan, at hikayatin natin ang mas marami pang mga kabataan upang magpabakuna,” ani Gatchalian. 

Muling iginiit ni Gatchalian sa DepEd na tutukan ang “learning poverty” sa bansa. Buhat nitong Hunyo 2022, tinataya ng World Bank na ang learning poverty sa bansa ay mahigit siyamnapung (90.9)

porsiyento. Ibig sabihin, siyam sa sampung batang may edad na 10 anyos ang hindi marunong bumasa at umunawa ng simpleng kuwento.

Upang tugunan ang learning loss at ang pinsalang dulot ng pagsasara ng mga paaralan, inihain ni Gatchalian ang Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Program Act (Senate Bill No. 150) na maglalatag ng pambansang programa para sa learning recovery. Tututukan ng panukalang ARAL Program ang most essential learning competencies sa Language at Mathematics para sa Grades 1 hanggang 10, at Science para sa Grades 3 hanggang 10. Bibigyang prayoridad ang Reading o Pagbasa upang mahasa ang critical at analytical thinking skills ng mga mag-aaral.

“Tayo po ay naka-monitor sa estado ng mga paaralan upang siguruhing bukod sa ligtas ang muling pagbabalik ng mga mag-aaral sa kanilang klase ay mabibigyan sila ng dekalidad na edukasyon tungo sa hangaring walang mag-aaral ang mapag-iiwanan, may kapansanan man o wala,” dagdag ni Gatchalian.

Ang Marulas Central Elementary School at Valenzuela National High School ay ilan lamang sa mga paaralang nagpapatupad ng Inclusion Program kung saan kasama ang mga mag-aaral na may kapansanan.  (NIÑO ACLAN)

About Niño Aclan

Check Also

Muntinlupa

Sa ika-107 Anibersaryo ng Pagkakatatag
MUNTINLUPA NAGDIWANG SA DIWA NG TUNAY NA PUSO NG MAMAMAYAN

IPINAGDIWANG ng Lungsod ng Muntinlupa ang ika-107 Anibersaryo ng Pagkakatatag na isa sa mahalagang okasyon …

122024 Hataw Frontpage

DSWD relief goods inire-repack  
MALABON SOLON, ASAWA, 1 PA INASUNTO SA OMBUDSMAN

HATAW News Team INIREKLAMO sa Office of the Ombudsman sa kasong Qualified Theft at paglabag …

Chavit, umaariba sa poll ratings

HATAW News Team SA PAG-AKYAT ng kanyang grado mula 14.71% hanggang sa 26%, tila naging …

Barasoain Malolos Bulacan

Pamanang kultural ibinida ng Bulacan sa PH Experience Program ng DOT

IPINAGMAMALAKI ang mayaman at makulay na kultura ng Bulacan, ibinida ng mga Bulakenyo ang pamanang …

Listahan ng mga bawal na paputok at pyrotechnic device inilabas ng PNP

Listahan ng mga bawal na paputok at pyrotechnic device inilabas ng PNP

KASUNOD ng inspeksiyon ni PNP Chief P/Gen. Rommel Francisco Marbil sa mga tindahan ng mga …