MATAPOS magsunod-sunod na magpositibo ang ilang mga senador sa CoVid-19, nakatakdang magpatupad ng tatlong linggong lockdown ang senado sa mga bisita.
Ayon kay Senate President Juan Miguel Zubiri magsisimula ang lockdown sa mga bisita sa darating na Lunes, 15 Agosto 2022.
Tanging ang mga resource person sa mga pagdinig ang kanilang maaaring tanggapin ngunit limitado rin.
Tinukoy ni Zubiri, tatlo lamang kada agency o organization ang kanilang tatanggapin, ang mismong resource person at dalawa niyang staff.
Ipinunto ni Zubiri, ang iba naman ay maaaring maging bahagi ng pagdinig sa pamamagitan ng dating pamamaraan — remotely o virtual.
Bukod dito sinabi ni Zubiri, kailangan magpresinta ng negative RT-PCR test rest na mayroong QR Code na kinuha sa loob ng 24-oras ang dadalo sa pagdinig o dili kaya ay negative antigen result na kinuha sa loob ng 12 oras sa accredited laboratory ng Department of Health (DOH).
Hindi tatanggapin ng senado ang self-antigen test na walang sapat na sertipikasyon mula sa mga accredited laboratory ng DOH.
Binigyang-linaw ni Zubiri, maging ang mga senador ay limitado sa dalawang staff maliban sa pinuno ng komite.
Samantala, sa sesyon ay tinukoy ni Zubiri na mananatili ang naunang panuntunan na dalawamg staff kada senador.
Maging ang pagsakay sa senate elevators ay limitado sa limang tao.
Bukod dito, ipatutupad sa senado ang one sit apart at palagiang paghuhugas ng kamay, pagwiwisik ng alcohol, at pagsusuot ng face mask maliban kung sila ay kumakain at uminom.
Kabilang sa mga senador na nagpostibo sa CoVid-19 ay sina Senador Imee Marcos, Cynthia Villar, at Alan Peter Cayetano. (NIÑO ACLAN)