DALAWANG nakatalang most wanted person (MWP) ang inaresto sa isinagawang magkahiwalay na manhunt operation ng Biñan CPS at Calamba CPS nitong Sabado, 2 Hulyo, sa lalawigan ng Laguna.
Kinilala ni P/Col. Cecilio Ison, Jr., ang isa sa mga suspek na si Jhon Anthony Ronda, 32 anyos, nakatira sa Brgy. Dela Paz, sa lungsod ng Biñan, nakatala bilang pang-anim na most wanted person ng Biñan CPS.
Sa ulat ng Biñan CPS, dinakip ang suspek dakong 1:50 pm kamakalawa sa naturang barangay sa bisa ng warrant of arrest para sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 na inisyu ng Biñan City RTC Branch 153, may petsang 30 Hulyo 2021 at walang inirekomendang piyansa.
Samantala, naaresto ang suspek na kinilalang si Arnold Ariola, 39 anyos, production operator, ng Brgy. Looc, sa lungsod ng Calamba, sa isinagawang manhunt operation ng Calamba CPS sa nabanggit na barangay.
Nakatala ang akusado bilang pangsampu sa MWPs sa Calamba, Laguna, na nadakip sa bisa ng warrant of arrest sa dalawang bilang ng kasong paglabag sa Section 10 ng RA 7610 o Special Protection Of Children Against Abuse, Exploitation And Discrimination Act na inisyu ng Calamba City RTC Branch 8 Family Court, may petsang 30 Hunyo 2022 at walang inirekomendang piyansa.
Pansamantalang nasa kustodiya ng kani-kanilang arresting unit ang mga suspek habang ipapaalam sa korteng pinagmulan ng mga warrant of arrest ang pagkakahuli sa kanila.
Pahayag ni P/BGen. Antonio Yarra, “Ang operasyong ito ay patunay na hindi tayo titigil sa pagsawata sa mga taong may pananagutan sa batas, at para mabigyan ng hustisya ang mga biktima.” (BOY PALATINO)