MULI na namang nakapagtala ng panibagong karangalan ang Quezon City government sa pagpasa nito sa Good Financial Housekeeping criteria for the year 2021 ng Department of the Interior and Local Government (DILG).
Sa huling tala ng DILG kasama ang Quezon City sa anim na siyudad kabilang ang Las Piñas, Makati, Muntinlupa, Pasay at Pasig City na pumasa sa Good Financial Housekeeping criteria as of November 5, 2021.
Sinertipikahan ang ulat ng DILG ng Local Governance Performance Management Division (LGPMD) team na pinamumunuan ni Vivian P. Suansing, ang Division Chief.
Ang pagkilala sa mga siyudad na ito ay inaasahang ibibigay ng DILG ngayong taon.
Ang Good Financial Housekeeping award ay ibinibigay sa mga lokal na pamahalaan na may “exceptional fiscal management and financial transparency.”
Ang award na ito ay isa na namang malaking achievement para sa administrasyon ni Mayor Joy Belmonte na muling inihalal ng mga QCitizens bilang alkalde ng lungsod para sa kanyang ikalawang termino.
Ayon kay Atty. Orlando Casimiro, City Legal Department Chief at acting spokesperson, ang pagkilala ay isang patunay na ang lokal na pamahalaan ay sinisikap na mapaayos ang paghawak ng mga pondo nito.
Dagdag pa niya, ito raw ay dahil hindi sumasala sa deadline ang siyudad sa pagsusunite ng mga ‘financial reports’ nito sa Commission on Audit.
“We are performing the tasks expected of our local goverment even without the awards,” ang sabi pa ni Casimiro, at idinagdag pa na ang mga report ng City Accounting Office ay base sa mga itinatakda ng Philippine Public Sector Accounting Standards na sumusunod sa mga alituntunin at ipinaguutos na ‘accounting’ at ‘auditing rules’ ng komisyon.
Paliwanag pa ni Casimiro ito rin ang mariing ipinaguutos ni Mayor Belmonte sa mga kawani ng lokal na pamahalaan na maging bukas sa lahat ng transaksiyon nito upang mapanatili ang transparency.