PATAY ang isang mangingisda habang sugatan ang kanyang dalawang kasama matapos sumabog ang isang ‘homemade’ na dinamitang ginagamit nila sa pangingisda sa bayan ng Sto. Niño, lalawigan ng Samar, nitong Martes ng umaga, 7 Hunyo.
Kinilala ang biktimang si Emiliano Davila, 40 anyos, at mga sugatan niyang pinsang sina Rolan, 28 anyos, at Jorgie, 31 anyos, nangisda sa dagat na sakop ng kanilang komunidad sa Sitio Salvacion, Brgy. Ilijan, sa nabanggit na bayan dakong 7:35 am.
Nabatid na itatapon sana ni Emiliano ang pampasabog na kilala sa tawag na ‘badil’ nang sumabog ito na naging sanhi ng kanyang kamatayan.
Nasugatan sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang mga kasama ni Emiliano na dinala sa Calbayog City District Hospital para malapatan ng lunas.
Napag-alamang talamak pa rin ang ilegal na pangingisda sa ilang bahagi ng lalawigan ng Samar sa kabila ng maigting na kampanya ng pamahalaan laban dito.
Sa ilalim ng batas kaugnay ng ilegal na pamamalakaya, papatawan ang mga mahuhuling lalabag ng parusang lima hanggang 10 taong pagkakakulong at pagkakakompsika ng huli ng mga gumamit ng pampasabog, nakalalasong kemikal, at koryente.