Napatay ang isang retiradong pulis ng kanyang kapitbahay habang sugatan ang isang 15-anyos na binatilyo matapos magkahamunan ng duwelo ang dalawa sa bayan ng San Isidro, lalawigan ng Leyte nitong Miyerkoles, 25 Mayo.
Sumuko sa mga awtoridad ang suspek na si Candido Barda, 67 anyos, matapos mapaslang ang kaniyang kapitbahay na si Materno Ralia, 60 anyos, kapwa mga residente ng Brgy. Capiñahan at kapwa retiradong mga pulis.
Ayon sa mga imbestigador, nainis si Barda dahil sunod nang sunod sa kaniya ang umano’y 15-anyos na errand boy ni Ralia.
Unang sinuntok ni Barda ang binatilyo nang mapansing sumusunod sa kanya na pinaniniwalaan niyang utos ni Ralia.
Nang mabatid ang nangyari, lumabas ng bahay ang asawa ni Ralia upang komprontahin si Barda.
Ilang minute ang nakalipas, sumugod sa bahay ng mga Barda si Ralia na may dalang baril, na siyang hinihintay ng suspek na armado na din ng baril.
Agad nagpalitan ng putok ng baril ang dalawang dating pulis kung saan natamaan si Ralia sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan.
Tinamaan din sa lee gang binatilyo nang tumakbo patungo kay Ralia.
Agad dinala ang mga biktima sa Tabango Community Hospital sa Tabango, Leyte kung saan idineklarang dead on arrival si Ralia.
Boluntaryong isinuko ni Barda ang kanyang sarili at kanyang baril sa San Isidro MPS.
Napag-alaman na may matagal nang personal na alitang namamagitan kina Barda at Ralia na maaaring sanhi ng girian na nauwi sa kamatayan ng huli.