NAKAKUHA ng suporta si Vice President Leni Robredo sa isa pang coach ng Philippine Basketball Association sa katauhan ni Gilas Pilipinas mentor at five-time PBA Coach of the Year Chot Reyes.
Kilala sa paggamit ng terminong “Puso” sa kampanya ng national team sa iba’t ibang international tournament, iginiit ni Reyes sa isang pahayag na ang dapat susunod na pangulo ay may puso para sa bansa at taongbayan gaya ni Robredo.
Si Reyes ang ikalawang PBA coach na nagpahayag ng suporta kay Robredo, kasunod ni NLEX mentor at dating Pampanga congressman Yeng Guiao.
“Puso ay ang pagmamahal sa bayan na nakikita sa mga gawaing nakaaangat ng buhay ng ating mga kababayan,” wika ni Reyes, na nagsabing patuloy ang Bise Presidente sa pagtugon sa mga problema ng bansa sa kabila ng mga hamon.
“Puso means not giving up no matter the odds are. Pabagsakin, at pilit mang siniraan, nagpatuloy pa rin sa pagtugon sa mga suliranin ng bansa. Mapabagyo, lindol, sakuna, pandemic, anuman ang problema, nariyan siya, agad ang pagtulong,” dugtong niya.
Dahil sa malinis na track record ni Robredo, sinabi ni Reyes, nakatitiyak ang mga Filipino ng mahusay, malinis, at tapat na pamumuno sa ilalim ng isang lider na palaging handang maglingkod.
“Puso also means giving hope, kaya naman it’s important to me na magkaroon tayo ng isang lider that gives inspiration na maging mas mabuting Filipino dahil isa siyang mabuting halimbawa para sa atin,” dagdag ni Reyes.
Ayon kay Reyes, buong pagmamalaki niyang kakatawanin ang bansa sa mga torneo kapag nanalo si Robredo bilang pangulo sa halalan sa Mayo.
“Bilang coach at Filipino, alam kong kaya kong harapin ang ibang bansa, kaya kong ipagmalaki na ako ay Filipino, lalo na kung si Leni Robredo ang ating pangulo,” ani Reyes.
“Ako si Chot Reyes, buong pusong lalaban at tataya para kay Leni Robredo,” pagtatapos niya.