SA PAGHARAP sa general assembly ng Inisang Samahang Aasahan (ISA) sa District 1 ng Quezon City, inihayag ng kabiyak ng puso ni Vice Mayor Gian Sotto na si JoyMary, ang kanyang kalungkutan sa mga paninirang ginagawa ng kalaban ng kanyang mister sa pagka-bise alkalde na si Winnie Castelo.
Pumalit si Mrs. Sotto sa kanyang asawa na may nauna nang importanteng lakad nitong nakaraang linggo, sa pagharap sa mga opisyal at mga kasapi ng ISA, pinakamalaking people’s organization sa Distrito Uno na kinabibilangan ng 70 iba’t ibang samahan.
Dito inilahad ni JoyMary, ina ng limang anak ni Vice Mayor Sotto, ang kanyang sama ng loob at labis na kalungkutan sa estilo ng pamomolitika ni Castelo. Sinasabi umano nito na walang nagawa ang Bise-Alkalde magmula nang maluklok sa kanyang puwesto.
“Nakalulungkot, at nakasasama ng loob kapag nakaririnig ako na sinisiraan ang aking asawa. Kesyo wala raw siyang nagawa. Sa totoo lang, si Vice Gian ninyo po ang unang lumabas at nagpunta sa inyo upang kayo ay hatiran ng mga ayudang pangtawid sa pandemic. Inilagay niya ang kanyang sarili sa panganib at maging kaming pamilya niya. Hindi ito talaga napapabalita dahil tahimik ang aking asawa kapag nagbigay ng tulong,” paliwanag niya.
Pinawi agad ng pangulo ng samahan na si Jaime Espina ang kalungkutan ni Mrs. Sotto at sinabing hindi naman sila padadala sa mga banat ni Castelo, dahil kilala nila si Vice Mayor Sotto bilang tunay na “public servant” na may takot sa Diyos.
“Hindi basta-basta nila (kalaban sa politika ni Sotto) kami mapapaniwala, ang aming masisiguro sa inyo, ay ang aming solid na pagsuporta at pagboto sa tambalang Mayor Joy Belmonte at Vice Mayor Gian Sotto,” ang pahayag ni Espina kay Mrs. Sotto.
Dagdag niya, ang mahigit sa 11,000 miyembro ng kanilang pinag-isang samahan ay pawang mga botante ng Distrito Uno at tinitiyak nilang sina Belmonte at Sotto ang kanilang ibobotong muli sa pagka-Mayor at Vice Mayor.
Naibsan ang kalungkutan ng maluha-luhang ginang ng Bise-Alkalde at nangakong makakarating ang inihayag na suporta ng ISA sa kanyang mister at kay Mayor Belmonte.
Ipinakiusap ni JoyMary ang kanyang biyenang lalaki na si Senate President at vice presidential aspirant na si Senador Vicente “Tito” Sotto III na iboto ng ISA sa pagka-bise presidente.
“Si Tito Sen po ang huwaran ng aking asawa sa paglilingkod. Pareho silang may kakayahan at may mahabang karanasan sa paglilingkod na may pinangangalagaang integridad,” ang pahabol ni Gng. Sotto.