ISINUSULONG ng Riders Community ang “No Vote” para kay Sen Dick Gordon ngayong May election dahil sa pagiging anti-rider matapos iakda ang kontrobersiyal na Motorcycle Crime Prevention Act(RA 11235) o mas kilala sa tawag na Doble Plaka Law.
Ayon kay Motorcycle Riders Organization (MRO) Chairman JB Bolaños, wala silang inilunsad na pormal na kampanya laban sa kandidatura ni Gordon ngunit lumulutang ang “No Vote for Gordon” sa kanilang hanay dahil nakita ng riders community ang ginawa ng senador sa pagpasa ng Doble Plaka law kaya mismong riders ang nananawagan sa kapwa riders na huwag iboto ang senador.
Ang pahayag ay ginawa ni Bolaños bilang reaksiyon sa mga social media posts na nanawagan ng “No Vote” kay Gordon kabilang dito ang grupong Kalipunan ng Riders sa Makauring Adbokasiya na nagsabing hindi dapat iboto si Gordon para sa karapatan, kapakanan, at kaligtasan ng mga rider, ang Alliance of Pagbilao Riders na naghihikayat ng pagkakaisa para sa 0% vote laban kay Gordon.
Sinabi ni Bolaños ang kanyang grupong MRO, may 130,000 miyembro nationwide ay hindi lamang si Gordon ang iboboykot kundi maging ang mga mambabatas na sariling interes ang isinusulong sa paggawa ng batas.
Binibira ng riders group ang Doble Plaka Law dahil hindi ito dumaan sa public consultation at pawang naglalaman ng anti- rider provisions.
“We have transcript of the hearings that proves that he’s a liar, he said he spoke to riders group, manufacturer and dealers but the truth is he actually rejected consultations. Hindi po dumaan sa tamang proseso ang pagdinig ng Doble Plaka Law sa Senado,” pahayag ni Bolaños.
Ani Bolaños, noon pa man ay personal na ang pag-atake ni Gordon sa motorcycle riders, ang mga isinusulong nitong panukala ay pawang anti-rider gaya ng una niyang suhestiyon na maglagay ng plate number sa helmet at magkaroon ng color-coded helmet at pagturing sa mga rider bilang kriminal bunsod ng paglipana ng riding in tandem.
“Ginagawa n’ya kaming mga kriminal, turing niya sa motor ay public utility vehicles (PUV) at hindi private-owned kaya gusto lagyan ng markings sa lahat, gusto niya sumunod kami sa gusto niya nang hindi naman kinukuha ang panig namin. May mga krimeng nagagaganap na naka-motor ngunit hindi lahat ng naka-motor ay criminal,” paliwanag ni Bolaños.
Hindi umano masisisi ni Gordon kung galit sa kanya at ikinakampanya ng riders na hindi siya maibalik sa Senado.
“He did this to himself. Sen. Gordon is a totalitarian. He thinks so highly of himself, nawala na ‘yung pagiging makatao nya, he thinks ano lumabas sa utak n’ya ‘yun lang ang p’wede, ‘yun lang tama, he does not care what people think, he does not care about the constitution, he does not care about what still violates as far as the Constitution is concerned. What he cares about is he’s the only person that is right, he’s the only person that has to be followed, siya lang masusunod, papakinggan, at siya lang ang tama,” dagdag nito.
Ang Doble Plaka Law na inakda ni Gordon ay pinirmahan bilang batas ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Marso 2019 ngunit sinuspende ang pagpapatupad nito dahil sa mga hindi rasonableng probisyon kasama ang paglalagay ng malaking plate number sa harap at likuran ng motorsiklo, ang pagpataw ng napakalaking multa na P50,000 hanggang P100,000 at kulong na hanggang anim na taon kung mahuhuling walang plaka sa isang checkpoint, kung hindi irerehistro agad ang transfer of ownership, at hindi irereport sa loob ng 72 oras ang nawala o sirang plate number.
Sa kasalukuyan ay nakabinbin sa Manila at Quezon City Regional Trial Court ang dalawang petisyon na humihiling na ideklarang unconstitutional ang ilang probisyon sa nasabing batas.
Sa Senado ay naghain si Sen Leila de Lima ng Senate Resolution (SR) No. 469 na humihiling na magkaroon ng rebisyon sa RA 11235 at iniutos na rin ni Pangulong Duterte sa Kongreso na rebyuhin ito partikular ang probisyon sa penalties at gawing P10,000 ang multa gaya ng multa sa 4-wheel na sasakyan.