AABOT sa 300 pamilya o 900 indibidwal ang nawalan ng tirahan sa nangyring sunog sa isang residential area sa Taguig City.
Base sa inisyal na ulat ni Taguig City Bureau of Fire Protection SFO2 Ana Joy Parungao, fire investigator, sumiklab ang apoy sa bahay ng isang Sapian Ayunan sa Tawi-Tawi St., Covered Court, Barangay Maharlika sa nasabing lungsod dakong 10:50 pm nitong Huwebes.
Agad kumalat ang apoy at nasa 70 bahay na pawang gawa sa light materials ang agad natupok.
Umabot sa ikatlong alarma ang sunog at idineklarang fire out ni Fire Supt. Bernard Rosete, Ground Commander, bandang 1:37 am kahapon, 18 Marso.
Napag-alaman, nasa 71 fire trucks ang nagresponde sa sunog at walong ambulansiya ang naka-standby sa lugar.
Walang naitalang nasaktan o nasawi sa insidente.
Sinisiyasat ang sanhi ng sunog sa lugar na tinatayang P750,000 ang halaga ng naabong mga ari-arian. (GINA GARCIA)