YANIG
ni Bong Ramos
UMAASA pa rin ang pamilya at mga kamag-anak ng mga nawawalang sabungero na makikita nilang buhay pa ang kanilang mga mahal sa buhay na hinihinalang dinukot sa kani-kanilang mga bahay, may tatlong buwan na ang nakararaan.
Ang 36 sabungero na nawala na lang na parang bula ay nananatiling palaisipan at masyadong misteryoso hanggang sa kasalukuyan sa kabila ng gina-gawang imbestigasyon ng mga awthoridad.
Wala man lang daw lead o persons of interest na nakukumbida upang tanungin hinggil sa pagkawala ng 31 sabungero.
Maski man lang daw isang hibla ng buhok o anomang pagkakakilanlan ay blanko pa rin. Wala pa rin ipinepresintang bagay o ebidensiya ang mga awtoridad na naatasan sa kasong ito.
Ganoon pa man ay hindi pa rin nawawalan ng pag-asa ang pamilya ng mga sabungerong pinaniniwalaang dinukot at kinidnap ng mga maiimpluwensiyang tao.
Ang ikinakabahala lang ng marami ay baka puro asa ang mangyari. Mas mabuti pa raw ang PAG-ASA sa Quezon City maski paano ay nakikita na agad ang bagyo at sama ng panahon na parating.
Ilan ang nagsasabing baka puro ‘fighting’ na lang ang matira at wala ng ‘spirit.’ Fighting spirit ‘ika nga he he he…
Kung ikokompara mo naman daw sa gera ay deklaradong missing in action (MIA), sa tagal ng panahon na ‘di matagpuan ang mga bangkay, more or less. ay alam mo naman daw na nakipaglaban.
Kumbaga naman daw sa mga pulis at iba pang empleyado ng gobyerno, sila ay tinaguriang AWOL dahil bigla na lang nawala, ‘di po ba?
Masyadong misteryoso ang kasong ito at kung titingnan natin ay parang scripted na lang, tapos na ang boxing, alam na ng lahat ang nanalo at may kalakip ng dibidendo ang lahat ng kombinasyon.
ANO KAYA ANG KAHAHANTUNGAN
NG IMBESTIGASYON NG SENADO?
Ano na kaya ang patutunguhan at saan kaya hahantong ang ginagawang imbestigasyon ng Senado hinggil sa pagkawala ng 36 sabungero halos tatlong buwan na ang lumipas.
Sana naman raw ay may magandang resultang lumabas sa ginagawang Senate Inquiry hinggil sa mga nawawalang sabungero.
Marami ang ipinatawag at kinumbidang mga tao ang Senado hinggil sa usaping ito. Isa rito ang primerong gambling tycoon ng bansa na walang iba kundi si Charlie “Atong” Ang.
Napag-alaman kay Ang, marami rin pala siyang kasosyo sa negosyong e-sabong na pawang mainpluwensiya at may malakas na koneksiyon sa gobyerno.
Ayon kay Atong, kinabibilangan ang kanyang mga kasosyo ng ilang politiko tulad ng gobernador, congressman, mayor at malalaking negosyante.
Ilan ang nagsasabing maski si Superman, Batman, at Totoy Bato pa ang kumbidahin dito sa Senado ay wala rin mangyayari dahil nga super-lakas at tibay sa komitee. Mas mabuti pa raw kung ipatawas na lang sa albularyo at maski paano ay may hugis na lalabas.
Mantakin ninyong sa kabila ng hiling ng mga Senador na pansamantala munang suspendehin ang operasyon ng E-Sabong, disapproved pa, at tuloy-tuloy pa rin hanggang sa kasalukuyan.
Biruin ninyong pirmado lahat ng mga senador na pawang mga miyembro ng komite na pinamumunuan ni Sen. Bato de la Rosa ang petisyon ay ‘wa epek’ din, balewala… dedma ito sa PAGCOR.
Kung sa bagay ay napakalaki ng pinapasok na revenue nito sa gobyerno, imagine P540-million a day. Bilyon din malamang ang napupunta sa gobyerno in one month.
Que se joda kung ilang tao pa ang mawala, mamatay o mapatay at malulong sa sugal na ito… ok lang basta’t pera-pera lang, puwera damdamin… he he he…
Ngayon, kayo na ang magdesisyon kung saan hahantong ang ginagawang Senate Probe na ito. Mararamdaman n’yo naman sigurado ito dahil kumbaga sa eleksiyon ay may trending na, tama po ba?