NASA 369 Unified Force Multipliers na kinabibilangan ng mga tanod at chief vigilance officer (CVO) ang nagtapos sa Patrolling and Response Operations Training ng National Capital Region Police Office (NCRPO).
Dumalo sina Parañaque City Mayor Edwin Olivarez, bilang guest of honor at speaker at NCRPO chief P/MGen. Felipe Natividad nitong 11 Marso 2022 sa Don Bosco Covered Court, Brgy. Don Bosco, Parañaque City.
Dumalo rin sina Southern Police District (SPD) P/BGen. Jimili L Macaraeg; P/BGen. Jon Arnaldo; P/BGen. Nicolas Torre III, DRDO; at P/BGen. Cornelio Comila at iba pang opisyal ng NCRPO at Parañaque City government.
Kasabay nito, namahagi ang NCRPO ng nasa 150 food packs, 300 hot meals; 80 pares ng sapatos at mga laruan.
Ang Patrolling and Response Operations Training to Empower CVOs & Tanod (PROTECT) ay naglalayong palakasin ang mga kakayahan at kompiyansa ng mga barangay force multipliers at iba pang kalahok sa pagganap ng kanilang mga tungkulin sa pagpapanatili ng kapayapaan.
“Ang isang paalala ko lamang po sa inyo, ‘yung mga natutuhan ninyo ay gamitin ninyo sa tama sapagkat kailangan po nating magkaroon ng magandang samahan in ensuring peace and order,” ani Natividad.
Ayon kay Olivarez, “Ngayong umaga na ‘to tayo ay nagkakasama at nagtitipon para masaksihan po natin ang pagtatapos ng atin pong PROTECT at napakapalad po natin na kapiling po natin ngayon ang ating bagong Director ng NCRPO sa katauhan ni General Natividad maraming salamat po.
“Ngayon ay alert level 1 na lang tayo, ibig sabihin magbabalikan na ang mga tao sa trabaho, darami na ang tao sa lansangan, darami na din ang sasakyan sa kalsada, unti-unting magbabalikan ang mga estudyante sa eskuwelahan. Ibig sabihin mahaharap na naman tayo sa pagsubok and it is timely na ang ating mga force multipliers is equipped para po makatulong sa pulisya to maintain peace and order in our country maraming salamat po,” ani Olivarez. (GINA GARCIA)