TINIYAK ng Japanese Embassy na patuloy ang kanilang pagsuporta sa Metro Manila Subway Project hanggang matapos ang proyekto.
Ginawa ang pahayag ni Japanese Ambassador Kazuhiko Koshikawa matapos ang ginawang inspection kasama sina Transportation Secretary Art Tugade at Defense Secretary Delfin Lorenzana.
Pinuri ni Ambassador Koshikawa ang tuloy-tuloy na development ng Metro Manila Subway construction, at ikinatuwa ng Japan government na naging bahagi sila ng Filipinas sa Project of the Century.
Ang mga tunnel boring machine ay malapit nang ilunsad upang simulan ang paghuhukay na lalong magpapabilis sa pagkompleto ng subway.
Inaasahan ng Japan government ang araw na matatamasa ng mga Filipino ang kanilang pinakaunang subway na ginawa gamit ang makabagong Japanese technology.
Ang Metro Manila subway project ay may 17-station railway na inaasahang magiging kalahati sa dating oras ang travel time mula Quezon City hanggang Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Aniya, ang subway ay magbibigay ng kaginhawaan sa biyahe ng maraming Filipino at magpapasigla sa ekonomiya ng Filipinas sa pamamagitan ng pagpapagaan sa matinding pagsisikip ng trapiko sa Metro Manila. (GINA GARCIA)