PINAALALAHANAN ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang publiko na patuloy na sundin ang kinakailangang minimum health standards sa kabila ng pagbaba ng alert level sa Metro Manila.
Ito ay kasunod ng advisory mula sa OCTA Research na posibleng panibagong pagtaas ng kaso ng CoVid-19 kung ang publiko ay hindi magiging maingat at mabibigong sundin ang umiiral na minimum health standard.
Ayon Kay NCRPO Chief P/Major Gen. Felipe R. Natividad bilang tugon dito, pinalalakas ng NCRPO ang kahandaan na muling buhayin ang mga boarder control checkpoints at deployment para sa mga posibleng granular lockdown.
Umaasa si Natividad na pipiliin nilang maging mapagbantay sa kanilang paligid sa pamamagitan ng pagsunod sa minimum health protocols na itinakda upang mapigilan ang paglaganap muli ng nakamamatay na virus. (GINA GARCIA)