SA KULUNGAN bumagsak ang tatlong indibidwal matapos makompiskahan ng kabuuang P94,520 halaga ng hinihinalang shabu ng mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit (DEU) ng Makati City Police, sa magkahiwalay na operasyon, sa Makati City, kamakalawa.
Kinilala ni Southern Police District (SPD) director, P/BGen. Jimili Macaraeg, ang mga suspek na sina Michael Neri, alyas Yuli, 21; Mark Arjen Orbon; at Russell Palermo, alyas Bakly, 23, pawang residente sa Makati City.
Ayon sa ulat, unang nahuli sina Neri at Orbon dakong 5:40 pm noong 8 Marso sa panulukan ng J.P. Rizal Ave. at B. Serrano St., Brgy. West Rembo, nang makabili ng shabu ang mga operatiba sa ikinasang buy bust operation na nagresulta sa pagkakakompiska ng 11.10 gramo ng shabu, may Standard Drug Price (SDP) na P75,480.
Si Palermo ay nahuli dakong 8:45 pm sa Kalayaan Ave., Barangay West Rembo, sa hiwalay na buy bust operation, nasamsaman ng 3.8 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P19,040.
Kasong paglabag sa Republic Act 1965 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang kakaharapin ng mga suspek. (GINA GARCIA)