BINIGYANG PARANGAL ang anim na barangay sa lungsod ng Pasay at pinagtibay bilang drug-cleared o malinis sa ilegal na droga.
Iginawad kahapon ni Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano sa mga kinatawan at chairpersons ng Barangay 38, 88, 96, 112, 155, at 163 ang naturang Certificate na kaniyang nilagdaan bilang Chairman ng Pasay City Anti-Drug Abuse Council, kasama sina Pasay Chief of Police Col. Cesar Paday-os at Philippine Drug Enforcement Agency – National Capital Region (PDEA – NCR) Regional Director Christian Frivaldo.
Kasama ni Mayor Emi sa paggawad ng certificates sina Vice Mayor Boyet Del Rosario at P/SMSgt. Frederick Tugade, opisyal ng Drug Abuse Resistance Education (DARE) program.
Katuwang sa mga hakbangin para sa drug-free barangays sa lungsod ng Pasay ang CADAC, PDEA, PNP, Department of the Interior and Local Government (DILG), at ang Department of Health (DOH). (GINA GARCIA)