HINARANG at hinuli ang isang Chinese national at Pinoy na bodyguard matapos pumasok lulan ng isang iniulat na carnapped vehicle, sa parking area ng Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) Building, sa nasabing lungsod Sabado ng gabi.
Kinilala ni Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Jimili Macaraeg ang mga suspek na sina Long Fei Yuan, 21, at Randy Obiar, 38, driver at bodyguard ni Yuan.
Base sa ulat, dakong 6:50 pm nitong 5 Marso nang hulihin ng mga tauhan ng Parañaque City Police ang mga suspek sa PITX.
Sa imbestigasyon, 4 Marso 2022 dakong 3:32 pm nang makatanggap ng reklamo ang PITX security office mula sa isang Shuai Hu, Chinese national na ang kaniyang puting Toyota Altis ay nawala habang nakaparada sa PITX sa ikatlong palapag PRO Parking area.
Kinabukasan, dakong 6:50 pm nang makita muli ng duty parking cashier na si Ronalyn Hernandez ang Toyota Altis na sinasabing natangay.
Agad ini-report sa Security Officer-in-Charge na si France Cadano, saka pinigil ang dalawang suspek.
Nakompiska mula sa driver/bodyguard ang isang sling bag na nadiskubreng may dalang isang 9mm Armscor pistol, may 4 magazines at 53 live ammunitions; isang Swiss knife na may habang walong pulgada.
Isang sling bag din ang sinamsam mula kay Yuan na naglalaman ng P1,252,000 cash.
Dinala sa Parañaque City Police ang dalawa na nahaharap sa mga reklamong carnapping, paglabag sa Republic Act 10591 (illegal possession of firearms and ammunitions), Batas Pambansa 6 kaugnay ng Omnibus Election Code.
“Aggressive police operations and other police interventions will be conducted to reduce the number of crimes involving Chinese nationals victimizing their compatriots” ani SPD Director, Gen. Macaraeg. (GINA GARCIA)