Saturday , November 16 2024
Usaping Bayan ni Rev. Fr. Nelson Flores, MSCK, JD

Green Power hindi angkop sa pambansang industrialisasyon 

USAPING BAYAN
Rev. Fr. Nelson Flores, MSCK, JD.

ANG hatid na aral ng krisis sa enerhiya na kinakaharap ng Kanlurang Europa ngayong taglamig o winter ay dapat pag-aralang mabuti ng ating pamahalaan kung ibig makaiwas sa kahalintulad na krisis dito sa ating bayan.

Malinaw ngayon, minadali ng mga Europeo ang transition o paglipat sa tinatawag na “renewable energy” o “green power” mula sa nakagisnang “fossil fuel” at ang kontrobersiyal na uling at lakas nukleyar dahil sa takot sa “climate change” o pababago ng klima ng mundo, na isa namang natural at paulit-ulit na kaganapan o regularly occurring natural phenomenon sa daigdig.

Lumalabas ngayon ang limitasyon ng green power (solar, wind, hydro at thermal) at ang tinatayang masamang epekto nito sa kalikasan. Isipin na lamang kung gaano karaming puno ang papatayin para mabigyang lugar ang mga windmills at solar power. At karamihan ng materyales na ginagamit sa pagtatayo ng mga pagkukunan ng green power ay hindi rin pala recyclable matapos pakinabangan lamang sa loob ng 25 taon.

Maliban dito, dahil likas na mahina ang produksiyon ng enerhiya o koryente ng green technology ay tiyak na lilimitahan nito ang kakayahan ng tao na lumikha ng malalaki at mabibigat na produkto gaya ng bakal at mga computer chips na mauuwi sa kawalan ng industrialisasyon, dahilan para lalong malugmok sa kahirapan ang daigdig.

Isa sa matinding tinatamaan ng krisis na ito ngayon ay ang bansang Alemanya o Germany dahil sa biglang pagpapatigil ng pamahalaan nito sa paggamit ng lakas nukleyar. Ipinatigil din nito ang pagpapatakbo ng mga planta ng uling.

Isinangkalan ang banta ng pagbabago ng klima ng mundo bilang katuwiran para maipatigil ang paggamit ng lakas nukleyar at uling. Huli na nang matuklasan nila na hindi pala sapat na panapat o kapalit ang green power sa lakas nukleyar at uling para patakbuhin ang kanilang mabibigat na industriya at bigyang init ang kanilang mga kabahayan, lalo ngayong panahon ng tag-lamig.

Dahil sa pamumuwersa ng Amerika ay napilitan din ang Alemanya na pigilan ang operasyon ng kanilang inaasahang Nord Stream 2 o NS2, ang tubo na kanilang hiniling mula sa Russian Federation para maghatid ng murang Liquified Natural Gas o LNG sa kanilang bansa at malaking bahagi ng Kanlurang Europa.

Bukod sa green power, ang NS2 sana ang kapalit ng mga ipinasarang plantang nukleyar para magbigay elektrisidad sa mga pabrika’t kabahayan sa Kanlurang Europa. Dahil sa kawalan ng mga plantang nukleyar, uling at NS2 ay nagkakaroon ngayon ng matinding kasalatan sa enerhiya sa malaking bahagi ng Europa, bukod pa sa tumaas nang ilang ulit ang halaga nito, kaya sobrang lamig ngayon ang winter doon para sa mga ordinaryong mamamayan.

Bukod dito, mapipilitan ang buong Europa na umangkat ngayon ng overpriced na LNG mula sa Amerika. Pansinin na ang LNG ay isang uri rin ng fossil fuel.

Masyadong nahintakutan o napresyur ng mga kilusang sibil o civil society na may interes na pananalapi sa pagbabago ng klima ang mga Europeo.

Ito marahil ang dahilan kaya hindi nila masyadong napag-isipan ang mga tamang hakbang para harapin ang nasabing phenomenon.

Dahil sa karanasang ito, sana ay maging malinaw mula ngayon na hindi sapat ang green power para patakbuhin ang mga pabrika, kahit gaano pa ito ka efficient. Mawawalan ng industriya ang mundo kung ipipilit ngayon na green power lamang ang gagamitin.

Mangangailangan pa rin talaga ang mga pabrika at kabahayan ng lakas na hatid ng fossil fuel, uling at nukleyar.

* * *

Totoong may climate change at malaki ang papel natin kaya lumalala ito pero dapat maging malinaw na may debate pa rin ngayon kung global warming o global cooling ang nangyayari. Magkakasalungat ang mga datos na lumalabas. May mga nagsasabing kumakapal ang yelo sa Antartica samantalang numinipis naman sa Arctic kaya ang usaping ito ay pinagdedebatehan pa rin.

Hindi masamang gumamit ng green power pero sa ngayon palagay ko ito ay dapat pang-ayuda lamang at hindi pangunahing batayan na pagkukunan ng enerhiya.

Dapat din maging malinaw sa atin na may mga isyu rin na ang enerhiya at materyales na ginagamit sa paglikha ng mekanismo para renewable o green energy tulad ng solar panel, windmills at iba… bukod sa saksakan nang mahal, ay lumilikha rin ng mas matindi pang polusyon kaysa polusyon na ibig nitong puksain. 

Dahil dito ay nananawagan ang inyong abang lingkod sa pamahalaan, lalo sa pamunuan ng papasok na administrasyon, na pag-isipan mabuti ang mga maaaring gawin para matugunan natin nang tama ang pagbabago ng klima.

Humingi tayo ng gabay sa Diyos at manalangin para makita natin ang liwanag. Huwag natin basta na lamang sunggaban at bulag na manalig sa pangakong hatid ng renewable energy.

Malinaw, sa yugtong ito ng ating panahon ay hindi pa maaasahan nang lubos ang green energy at kung tayo’y tataya lamang dito, malamang na lalong mabulid sa kahirapan ang bayan dahil hindi tayo magiging industriyalisado.

Silipin natin uli ang maaaring paggamit ng plantang nukleyar dahil malaki ang inabante ng teknolohiya para maging ligtas ang mga ito. Isang masusing pag-aaral ang dapat isagawa para malaman kung tunay na angkop o hindi ang teknolohiyang ito para sa ating baya’t lupain.

About Rev. Fr. Nelson Flores, MSCK, JD.

Check Also

Firing Line Robert Roque

Mga senador na nasa tama, nagkamali

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. MARAHIL humupa na sa ngayon ang galit ng publiko …

Aksyon Agad Almar Danguilan

“Kian Bill” para sa mga inosente, isabatas na!

AKSYON AGADni Almar Danguilan IYAN ang sigaw o panawagan ng grupong Akbayan Partylist sa Kongreso. …

PADAYON logo ni Teddy Brul

Upakan sa Pasig umiinit

PADAYONni Teddy Brul HINAMON ni dating Pasig City councilor, Atty. Ian Sia si Mayor Vico …

Sipat Mat Vicencio

Imee Marcos hinayaan babuyin ang amang si Makoy

SIPATni Mat Vicencio HINDI man lamang nagawang ipagtanggol ni Senator Imee Marcos ang kanyang amang …

Dragon Lady Amor Virata

Overstay sa Amerika, deportation parusa ni Trump

Isumbong mokay DRAGON LADYni Amor Virata MARAMING Pinoy ang nangangamba ngayon sa Amerika lalo mga …