FIRING LINE
ni Robert Roque, Jr.,
HINDI ikinatutuwa ng mga kagalang-galang na Your Honors sa judicial robes kung paanong isinapubliko ni Commissioner Rowena Guanzon ang kanyang boto sa isang hindi pa naihahayag na kaso sa Comelec First Division. Sa estriktong usapan, nilabag niya ang code of honor ng kanyang propesyon bilang abogado.
Para sa mga bigong makatutok sa balitang pang-alas sais ng gabi, ibinunyag noong nakaraang linggo ng presiding commissioner ng First Division na bumoto siya upang idiskalipika si dating senador Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., bilang kandidato sa pagkapangulo dahil sa “moral turpitude” – gaya ng iginiit ng isa sa mga petitioners sa pinagsama-samang kasong inhain sa komisyon upang pigilan ang kanyang kandidatura sa pagkapresidente.
Ayon kay Guanzon, napilitan na siyang gawin iyon bilang kapwa hukom sa isang kaso dahil maaaring ma-invalidate ang kanyang boto kung hindi mailabas ng First Division ang desisyon nito bago siya magretiro sa serbisyo sa Pebrero 2. Habang isinusulat ito, wala pa rin linaw kung kailan isasapubliko ng ponente sa resolusyon, si Commissioner Aimee Ferolino -Ampoloquio, ang desisyon. Ang ikatlong komisyoner na boboto sa kaso ay si Comm. Marlon Casquejo.
Samantala, hindi na tatalakayin pa ng Firing Line ang mga merito ng mga petisyon laban kay Marcos o suportahan ang mga konsiderasyon ni Guanzon upang bigyang-katwiran ang diskalipikasyon ng dating senador dahil maaaring malabag nito ang sub judice rule. Pero suportado ko ang pananaw ni Senate President Vicente Sotto III na kailangang bigyang-linaw ni Guanzon ang kanyang mga pahaging.
Sa totoo lang, hindi na ako nagulat sa mga ibinunyag niya sa Twitter tungkol sa umano’y tangkang panunuhol, pero ang pinakanakababahala sa mga sinabi ni Guanzon ay iyong isang senador daw ang namimilit sa mga kapwa niya komisyoner na sadyaing ipagpaliban ang resolusyon upang mawalan ng bisa ang kanyang legal opinion na pumapabor sa diskalipikasyon ni Marcos.
Dapat maintindihang ang mga ginawa ni Guanzon ay hindi para sa anumang papuri mula sa judicial community. Halimbawa na lang, naniniwala ang mismong kilalang election lawyer na si Romulo Macalintal na maaaring parusahan ng Comelec en banc si Guanzon. Ang iba naman, sinasabing dapat siyang ma-disbar bilang abogado.
Mula sa pananaw ng media, ang pasya ni Guanzon na isapubliko ang kanyang opinyon sa kaso ay isang napakagandang istorya sa maraming aspekto, higit pa sa larangan ng batas at propesyon, dahil nakasalalay dito ang interes ng publiko. Gayonman, aminado akong maselan ang impormasyong ipinahihiwatig niya kaya kailangang maberipika ito.
Hindi kailangang maging eksperto sa batas para masabing ang pahiwatig na iyon ni Guanzon laban sa First Division ay naglagay sa alanganin sa integridad ng desisyon nito – kahit sa mismong utak ng mamamayang Filipino na matamang pinag-iisipan sa ngayon kung sino ang ihahalal nila bilang bagong presidente ng bansa. Kung hindi kaagad makapaglalabas ng kombinsidong paglilinaw sa kaso ni Marcos, posibleng mag-alangan ang mga botante kung pagtitiwalaan pa nila ang Comelec.
Umaasa akong ang kontrobersiyang ito ay hindi magdudulot ng paglalaho ng tiwala ng publiko sa integridad ng Comelec. Sa kalagitnaan ng krisis pangkalusugan, kawalang katatagan ng ekonomiya, at agawan sa teritoryo na kinakaharap ng bansa sa ngayon, ang paparating na eleksiyon ay lubhang napakahalaga sa kahihinatnan ng ating kinabukasan bilang isang bansa. Kaya Comelec, umayos kayo!
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.