APAT ang nasugatan nang mahulog ang isang cargo truck sa ilog nang bumigay ang isang tulay sa bayan ng Majayjay, sa lalawigan ng Laguna, nitong Sabado ng umaga, 29 Enero.
Dinala sa pagamutan ang mga sugatang biktimang sina Jieron Benlot, 34 anyos, driver ng truck; Den Fernandez, 42 anyos; at mga pahinanteng sina Noel Clemente, 44 anyos, at Jeffry Pinino, 29 anyos.
Lumalabas sa inisyal na pagsisiyasat na nasira at bumigay ang tulay na bakal sa mga hangganan ng mga barangay ng San Isidro at Suba nang dumaan ang isang 12-wheeler truck, may kargang buhangin dakong 10:00 am.
Sa Facebook ni Majayjay Mayor Carlo Invinzor Clado, sinisi niya ang insidente sa hindi disiplinadong drivers ng malalaking truck dahil tumutuloy pa rin tumawid sa tulay sa kabila ng mga signage na hanggang limang tonelada lamang ang maaaring dumaan dito.
Samantala, nanawagan ang mga opisyal ng barangay na dumaan sa mga alternatibong ruta kabilang ang highway sa bayan ng Liliw, habang inaayos ang bumigay na tulay.