NAGPOSITIBO sa CoVid-19 nitong Sabado, 29 Enero, ang pitong bata sa bayan ng Virac, lalawigan ng Catanduanes, matapos maglaro ng ‘medical waste’ na kanilang natagpuan sa kanilang barangay.
Isinailalim ng mga awtoridad sa antigen testing ang mga batang may edad 3-11 anyos, matapos makitang naglalaro ng mga heringgilya gamit na, sa dalampasigan ng Brgy. Concepcion, sa nabanggit na bayan.
Bukod sa pitong bata, nagpositibo rin ang babaeng nakitang sumasaway sa kanila dahil sa paglalaro ng ‘medical waste.’
Ayon kay Brgy. Concepcion chairman Anthony Arcilla, inilagay sa isolation ang mga bata at binigyan ng mga bitamina at mga gamot.
Nakatakdang sumailalim ang mga bata sa RT-PCR testing ngayong Lunes, 31 Enero.
Nabatid, unang nakita ang ‘medical waste’ sa dalampasigan ng Brgy. Concepcion nitong unang bahagi ng buwan ng Enero.
Ayon sa mga opisyal ng barangay, inako ng laboratoryong pinagmulan ng ‘medical waste’ ang responsibilidad kaugnay sa insidente at humingi umano ng paumanhin sa session ng barangay council.
Samantala, napag-alamang nagpositibo din sa CoVid-19 ang kinatawan ng laboratory na lumahok sa sesyon ng konseho, kaya sumasailalim din ngayon sa quarantine ang mga opisyal ng barangay na maituturing na kanyang close contact.