PABONGGAHAN
ni Glen P. Sibonga
HINAYANG na hinayang si Direk Perci Intalan ng The IdeaFirst Company, producer ng hit film na Gameboys The Movie dahil hindi siya makapupunta sa Japan para masaksihan ang international screening at theatrical release roon ng nasabing pelikula sa January 21.
Iyan nga ang inihayag ni Direk Perci sa kanyang tweet. Pero natutuwa pa rin siya at hindi makapaniwala na maipalalabas sa Japan ang Gameboys The Movie.
Ayon sa tweet ni Direk Perci, “Still can’t believe this is happening. And still can’t believe we are missing the chance to a) travel to Japan and b) be in a cinema (in Japan) to watch Gameboys. Argh covid.”
Naging malaking tagumpay ang online streaming via KTX at Ticket2Me ng Gameboys The Movie noong isang taon dito sa Pilipinas. Naging international co-producers ng The IdeaFirst Company ang Japan-based companies na 108JAPAN Co., Ltd, Aeon Entertainment Co., Ltd. and Hakuhodo DY music & pictures Inc. Kaya proud si Direk Perci na may theatrical release na ito sa Japan sa January 21.
Mula sa pagiging sikat na Pinoy BL series sa YouTube nagtuloy ito sa pelikula. Kaya inaabangan na rin ng Gameboys fans ang Season 2 ng series sa YouTube.
Directed by Ivan Andrew Payawal, ang Gameboys The Movie ay pinagbibidahan nina Elijah Canlas at Kokoy de Santos kasama sina Adrianna So, Kyle Velino, Miggy Jimenez, at Kych Minemoto.