SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
INAMIN ni Dr Minguita Padilla na tatlong aktres ang pinagpilian niya para gumanap sa kanyang filmbio. Pero si Valeen Montenegro ang nagwagi.
Si Valeen na mas kilala sa pagganap ng mga kontrabida role sa mga teleserye ay bida na ngayon sa Liwanag: The Life and Legacy of Dra. Minguita Padilla. Si Dra. Padilla ay kilalang ophthalmologist, presidente at Chair ng Eye Bank Foundation of the Philippines ay tumatakbo bilang senador.
Ang Liwanag ay isang 45 minutes biopic na nagsasalaysay ng buhay ni Dra. Padilla. Ipinakita roon ang kanyang mga achievement bilang teen-ager at habang nag-aaral pa. Mula sa pagiging valedictorian noong high school, pagkuha ng pre-med sa UP na nakapagtapos bilang cum laude.
Gayundin ang pag-i-intern niya sa PGH at ang kanyang rural service.
Mula roon napunta na siya sa Makati Medical Center, na roon ipinakita kung paano niya nakilala ang napangasawang si Dr. Victor Lopez, at ang pag-uumpisa ng training bilang eye doctor. Itinayo ni Dr Padilla ang eye bank noong 1995 para matulungan ang mga nangangailangan ng corneal transplant sa buong bansa. Ilan nga sa mga nakapag-donate ng kanilang cornea ay sina Jay Ilagan, Miko Sotto, at AJ Perez.
Tin-edyer pa lang si Dra. Minguita makikita na sa kanya ang pagtulong sa mga mahihirap kaya naman noong nagsimula ang pandemic isa siya sa aktibong tumutulong at nakikipaglaban sa mga karapatan ng health care worker na nawawalan na ng pag-asa dahil sa hindi naman natutugunan ng gobyerno ang mga dapat na pribelehiyo nila.
Nagsagawa pa ng libreng Covid testing area si Dra. Minguita sa kanilang tahanan para makatulong sa mga taong walang kakayahang magbayad na gustong magpa-Covid test.
Kaya naman sakaling mahalal bilang senador ang doktor, una niyang pagtutuunan ng pansin ang Philhealth.
Samantala, gayun na lamang ang paghanga niya kay Valeen dahil tila kuhang-kuha ng aktres ang mga gawi niya at pananalita. Kaya nga napagkamalan pa ng kanyang asawa na ang doktora mismo rin ang ipinakita sa eksenang nagpa-file siya ng candidacy. Pero si Valeen na pala iyon.
May hawig din kasi si Valeen kay doktora at kitang-kitang pinag-aralan siya nito para epektibong magampanan ang pagiging Dr. Minguita.
Sabi nga ni Valeen, masaya siya na gampanan ang biopic ng doktora. “It’s really an honor to portray her in this biopic because her journey will serve as an inspiration for all of us in doing good for our countrymen,” anito.
Ang Liwanag ay ipinrodyus at isinulat ni Rosanna Hwang ng Kapitana Media Entertainment. Sila ang nasa likod ng The Women of TONTA Club na streaming na ngayon sa KTX at Upstream PH.
“Actually, tatlo silang pinagpilian namin to play me,” sambit ni Dr. Minguita. “But when I asked our helpers and drivers, they all chose Valeen. This is the first time I saw the film myself and I’m pleased with Valeen’s performance. She memorized all her lines well, specially sa death scene ng father ko na talagang very touching, nakakaiyak.”
Hindi rin makapaniwala na may magkakainteres na gawin ang kanyang biopic. “So I am really very grateful to those who put this project together. I know it’s because they truly know my heart and my reasons for taking a very big risk, leaving my comfort zone and running for public office. I only did so after much soul-searching.
“Sa nangyayari sa atin ngayon, parang lalo tayong nababaon sa dilim because of the government’s poor response to the pandemic at ‘yung garapalang pagpapayaman ng iilan. Ang corruption ngayon is the worst of its kind, it’s heinous, taking advantage of the suffering of millions of people just to make quick money, depriving our people with timely response, supplies and even infrastructure that could have given us all a better chance of emerging faster from this pandemic.”
Tumatakbo si Dra. Padilla sa ilalim ng Partido Reporma party ng Lacson-Sotto watch.
Ang Liwanag, ay idinirehe ni Rember Gelera.